
Isang bagong yugto para sa kalusugan ng bawat batang Pilipino ang isinulong ngayong Miyerkules sa paglulunsad ng DigiVacc, isang digital immunization platform na layong pahusayin ang pamamahala, pagsubaybay, at accessibility ng vaccination records sa buong bansa.
Pinondohan ng Government of Japan at isinakatuparan sa tulong ng United Nations Children’s Fund (UNICEF) at Department of Health (DOH), ang DigiVacc ay opisyal na inilunsad sa Manila Hotel, tampok ang dalawang pangunahing aplikasyon: VaccTrace para sa mga health workers at VaccCheck para sa mga mamamayan.
“DigiVacc is not only a platform, it’s for every child’s smarter immunization for a safer tomorrow,” ani DOH Assistant Secretary Gloria J. Balboa, na nagbigay-diin na ang proyekto ay tugma sa layunin ng Universal Health Care at ng digital transformation ng sektor ng kalusugan.
Tinukoy ni Balboa ang mga kinakaharap na hamon gaya ng mabagal at hindi tumpak na data collection, kulang-kulang na ulat, at kakulangan sa pagsubaybay sa mga batang hindi nakatanggap ng kumpletong bakuna.
“Yes. We are now into digitalization,” dagdag pa ni Balboa, sabay puri sa inobasyon ng DigiVacc bilang maaasahang sistema na makatutulong sa policy makers sa pagbuo ng mga desisyong batay sa datos.
Ayon kay Dr. Kadil Jojo M. Sinolinding, Jr. ng Ministry of Health ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), malaking ginhawa sa trabaho ng mga health workers ang hatid ng DigiVacc.
Nagpasalamat din si Minister Yokota Naobumi, Minister of Economic Affairs ng Embassy of Japan, sa mga partner agencies. “The people of Japan remain steadfast in helping protect and ensure the health of every Filipino child,” ani Naobumi.
Sinabi naman ni Edgar Donoso ng UNICEF Philippines na “if children are vaccinated, they perform well and contribute to nation-building,” habang pinasalamatan ang lahat ng bumuo ng proyekto Kasama sa mga lumahok sa paglulunsad ang mga Municipal Health Office mula sa Tagcawayan (Quezon), Malay (Aklan), Baclayon (Bohol), Surigao del Norte, at Cotabato City Health Office sa Region 12.
Ilan sa mga hamong kinakaharap ng mga MHO ang:
- Tagcawayan: 95 barangays, umaasa sa DOH-deployed personnel, at apektado ng pagbaha at kakulangan sa manpower.
- Malay, Aklan: Siksik sa populasyon, pero aktibo ang mga private health workers sa barangay health programs.
- Cotabato City: Mataas ang mobility ng tao, kaya mahalaga ang continuity ng health services.
- Iba pang bayan: Panlaban ang DigiVacc sa mga isyu sa kalidad, katumpakan, at tamang oras ng datos.
