Posibleng baligtarin pa ng Korte Suprema ang desisyon nito kaugnay sa impeachment ni Vice President Sara Duterte, ayon kay dating Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio, na nagsabing may “malinaw na factual error” ang naging batayan ng ruling.
Sa Kapihan sa Manila Bay ngayong Miyerkules, sinabi ni Carpio na may sapat na dahilan para ikonsidera ng Korte Suprema ang motion for reconsideration na ihahain ng House of Representatives.
“I am optimistic that the Supreme Court will decide correctly… because there was really a factual mistake,” ani Carpio.
Noong nakaraang linggo, idineklara ng Korte Suprema na labag sa Konstitusyon ang isinagawang impeachment proceedings laban kay Duterte, dahil lumabag umano ito sa panuntunang isang beses lang maaaring magpasimula ng impeachment laban sa isang opisyal sa loob ng isang taon.
Ngunit giit ni Carpio, ang tatlong naunang reklamong inihain ay na-archive lamang at hindi umusad, kaya’t ang ika-apat na reklamo lamang ang tunay na naipasa ng House sa Senado para sa paglilitis—kaya hindi dapat i-apply ang “one-year bar rule.”
“So obviously, the one-year bar rule cannot apply to the fourth complaint… It’s a very basic error,” dagdag pa niya.
Kasama ni Carpio sa pagtutol si Christian Monsod, isa sa mga bumuo ng 1986 Constitutional Commission, na nagsabing ang right to due process ni Duterte ay hindi nilalabag sa House, dahil sa Senado naman dapat ito ginaganap.
“That is not contemplated by the Constitution… the due process is observed in the hearings of the Senate, not in the meetings of the House,” paliwanag ni Monsod.
Ipinunto rin nina Carpio at Monsod na ang bagong panuntunan ng Korte Suprema sa impeachment ay hindi dapat i-apply retroactively sa kasalukuyang kaso ni Duterte.
Sa kabila nito, kung hindi man baligtarin ng Korte Suprema ang desisyon, sinabi ni Carpio na maaari pa ring i-refile ang impeachment complaint pagkatapos ng Pebrero 5, 2026.
“It’s not the end of the world… this is just a delay. Time will pass quickly,” aniya.
