Tatlong indibidwal mula sa Quezon City ang nahuli sa aktong pagtatapon ng human waste sa isang kanal sa kahabaan ng Imelda Avenue, Cainta noong Lunes, Hulyo 28.
Ayon kay Mayor Johnielle “Kit” Nieto, ang mga suspek ay agad na inaresto at isinailalim sa inquest proceedings sa tanggapan ng piskalya.
“They were caught in flagrante delicto. Naaktuhan talaga. Nahuli namin sila habang ginagawa mismo ang krimen,” saad ni Nieto sa panayam ng PaMaMariSan-Rizal Press Corps kahapon.
Tinukoy ng alkalde na tatlong paglabag ang kinakaharap ng mga suspek: dalawang national environmental laws at isang lokal na ordinansa. Kabilang dito ang iligal na pag-excrete at pag-discharge ng untreated human waste sa drainage systems ng bayan.

“Ang mga waste na ito ay dapat dumaan sa proseso ng treatment. Kung basta mo na lang itatapon sa mga kanal, malaking health hazard ito lalo na sa mga lugar na binabaha,” paliwanag ni Nieto..
Naaresto ang grupo habang gamit ang isang closed van na may tagong tanke sa loob. Ikinonekta umano ang hose mula sa tanke patungo sa manhole sa tabi ng highway para doon itapon ang laman—na ayon sa MENRO ay positibong human waste matapos isailalim sa pagsusuri.
“Hindi ito unang beses. Madalas silang nakakatakas. Pero kahapon, hindi sila nakalusot sa alertong town security natin,” dagdag ni Nieto.
Hindi pa pinangalanan ang kompanyang sangkot, pero kinumpirma ni Nieto na ito ay kanilang na-identify na. Inihahanda na rin ang pagsasampa ng civil damage suit laban sa kumpanya na posibleng umabot sa P10 milyon hanggang P15 milyon bilang mariing babala.
“Para ipakita na hindi kami nagpapabaya dito sa Cainta. Hindi pwedeng gawing tapunan ng dumi ang bayan namin,” aniya.
Ayon sa alkalde, madalas silang nakakaranas ng pagbaha, kaya’t lalong delikado ang ganitong gawain na maaaring humalo sa tubig baha.
“Hindi pwedeng gawing tapunan ng dumi ang bayan ng Cainta. Ito ay malinaw na paglapastangan sa kalikasan at sa dignidad ng ating komunidad,” mariing pahayag ng alkalde.
