Sa ika-apat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Hulyo 28, tila naunsyami na naman ang pag-asa ng libu-libong manggagawa matapos mabigong banggitin ang mga matagal nang panawagan tulad ng P200 legislated wage hike at ang pagwawakas sa kontraktwalisasyon.
Diretsahang inihayag ng mga labor group gaya ng Sentro ng mga Nagkakaisa at Progresibong Manggagawa (Sentro), Partido Manggagawa (PM), at Federation of Free Workers (FFW) ang kanilang pagkadismaya sa tila patuloy na pambabalewala ni Marcos sa mga pangunahing isyu ng sektor ng paggawa.
“Tuloy ang panawagan ng dagdag na sahod at segurong trabaho, pero mistulang bingi ang Malacañang. Katulad ng baha at bagyo, kailangan ang liderato ng Pangulo sa krisis ng paggawa,” ayon sa pahayag ng Partido Manggagawa.
Sa panayam matapos ang SONA, sinabi ni FFW vice president Julius Cainglet na “bombarded” siya ng mga mensahe mula sa kapwa manggagawa matapos mapansing wala man lang banggit tungkol sa wage hike o job security.
“Sa dami ng pinangakong reporma noong kampanya, parang napako lahat. Tapos sa SONA, puro trabaho’t inflation, pero wala yung konkretong aksyon para sa manggagawa,” dagdag ni Cainglet.
Sa kabila ng mga pangakong kampanya noong 2022, hindi pa rin tinupad ni Marcos ang pagwawakas ng kontraktwalisasyon—isang isyung ilang ulit nang binigyang-diin ng labor groups. Gayundin, ang panukalang P200 legislated wage hike ay hindi pa rin tinutugunan ni Marcos at ni minsan ay hindi rin isinama sa kanyang priority bills.
Bagamat inaprubahan na ng Senado ang ₱100 across-the-board increase, at may hiwalay na ₱200 version sa Kamara, nabigo pa ring mapag-isa ang dalawang panukala bago mag-sine die adjournment noong Hunyo. Hindi rin ito tinukoy ni Marcos bilang “urgent,” bagkus itinulak lamang ang mga regional wage board na suriin ang minimum wage—isang mekanismong matagal nang kinukuwestiyon ng mga unyon.
Sa kanyang talumpati, binanggit ni Marcos ang umano’y pagbaba ng inflation at pagdami ng trabaho. Sinabi rin niyang nagsusumikap ang Department of Labor, DTI, DSWD, at DOT para sa 4% ng mga Pilipinong walang trabaho.
Ngunit para sa mga labor group, ito’y kulang at hilaw.
“Walang konkretong plano, walang pondo, at lalong walang political will. Saan nga ba ang malasakit sa manggagawang Pilipino?” tanong ng Sentro. Ngayong ika-20 Kongreso, muling inihain ng ilang mambabatas ang panukalang batas para sa legislated wage hike, umaasang sa pagkakataong ito ay mabibigyan na ng pansin — at hindi na muling palampasin sa katahimikan.
