NASA mahigit P.2 milyong halaga ng shabu ang nasamsam sa tatlong drug suspects matapos maaresto sa magkahiwalay na anti-drug operation ng pulisya sa Navotas at Valenzuela Cities.
Isinagawa ng mga tauhan ni District Drug Enforcement Unit (DDEU) OIC chief P/Capt. Regie Pobadora ang buy bust operation, sa koordinasyon sa PDEA, katuwang ang Valenzuela Police Sub-Station 2 laban sa dalawang drug suspects sa Brgy. Gen T De Leon, Valenzuela City.
Dakong alas-5:45 ng umaga nang dambahin ng mga operatiba ng DDEU sina alyas ” Ayie”, at alyas “Nene”, matapos tanggapin ang marked money mula sa isang pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu.
Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 20 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P136,000 at buy bust money.
Sa Navotas, nalambat naman ng mga tauhan ni Navotas Police OIC chief P/Col. Renante Pinuela ang tulak na si alyas “Unong”, 42, nang kumagat sa ikinasang buy bust operation sa Brgy., Sipac Almacin dakong alas-12:20 ng hating gabi.
Nasamsam ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Navotas CPS sa suspek ang nasa 10.8 gramo ng umano’y shabu na nagkakahalaga ng P68,544 at buy bust money.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.
