Matapos ideklarang unconstitutional ng Supreme Court ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte, ilang senador ang nagsabing “move on na” at tutok na lang sa mas mahahalagang isyu ng bansa.
Ayon kay Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada, inaasahan niyang susunod ang Senado sa desisyon ng Korte Suprema.
“Ang Senado ay naninindigan sa rule of law. Bilang co-equal branch ng gobyerno, nararapat lang na sundin natin ang desisyon ng SC,” ani Estrada.
Dagdag pa niya, oras na para pagtuunan ng pansin ang mga nasalantang lugar ng bagyo at mga isyung mas direktang nakaaapekto sa mamamayan.
“Legalidad at due process ang dapat pinagbabatayan ng anumang hakbang laban sa opisyal ng gobyerno, hindi pulitika,” dagdag pa niya.
Samantala, todo saya si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa, kaalyado ni VP Sara at ng pamilya Duterte. Sa kanyang Facebook post, iginiit niyang “panalo ang Holy Spirit kontra sa puwersa ng kasamaan.”
“Guided ako ng Holy Spirit noong nag-motion ako na ibasura ang complaint. At naniniwala akong guided din ang SC sa ruling nila,” ayon kay Bato.
Para naman kay Sen. Imee Marcos, panahon na raw para magtrabaho at tumigil sa pulitika.
“Sa mga kasamahan kong senador—trabaho na po tayo. Atupagin na natin ang kapakanan ng mamamayan,” aniya.
“Awat muna sa pulitika,” dagdag pa ni Marcos.
