CLEARWATER, FLORIDA — Nalugmok ang mundo ng pro wrestling matapos kumpirmahin ang pagpanaw ng legendary wrestler na si Hulk Hogan sa edad na 71.
Dakong umaga ng Huwebes (oras sa Florida) nang makatanggap ng tawag ang mga pulis ukol sa isang cardiac arrest. Agad isinugod si Hogan sa ospital pero dead on arrival na ito, ayon sa opisyal na pahayag ng pulisya. “Walang palatandaan ng foul play o kahina-hinalang aktibidad,” ayon kay Maj. Nate Burnside.
Kinilala ng WWE ang kanyang pagpanaw at naglabas ng tribute:
“Isa sa pinaka-iconic na personalidad ng pop culture. Dahil kay Hogan, naging global ang WWE sa ‘80s. Nakikiramay kami sa kanyang pamilya, mga kaibigan, at fans.”

Tunay na pangalan ni Hogan ay Terry Bollea — isang titan sa wrestling world, at ang mukha ng wrestling boom noong 1980s. Si Hogan ang pangunahing bituin sa kauna-unahang WrestleMania noong 1985, kung saan nakipagtambalan siya kay Mr. T laban kina Roddy Piper at Paul Orndorff sa Madison Square Garden.
Hindi matatawaran ang naging ambag ni Hogan sa industriya. WrestleMania III vs. Andre the Giant? Halos 80,000 katao ang nanood live, habang ang rematch sa TV ay tumabo ng 33 milyon viewers!
Nang humina ang interes sa kanyang “hero” image, binago niya ang laro. Taong 1996, naging “Hollywood Hogan” siya at pinangunahan ang grupong New World Order (NWO) sa WCW. Nagbihis itim at puti, nagbagong-anyo mula good guy tungong kontrabida, at muling sinindihan ang apoy ng wrestling fandom!
Hindi rin matatawaran ang crossover appeal niya. Nagbida siya sa pelikulang Rocky III kasama si Sylvester Stallone, pati sa TV show na Thunder in Paradise. Anim na beses siyang naging WWE (dating WWF) World Champion, kabilang na ang isang record-breaking reign ng 1,474 araw.
Taong 2005, pormal siyang ipinasok sa WWE Hall of Fame.
Sa kabila ng tagumpay, hinarap din ni Hogan ang mga kontrobersya — kabilang na ang pagkalat ng sex tape noong 2015, isyu ng racism, at ang malaking kaso laban sa Gawker kung saan nanalo siya ng $115 milyon.

Kamakailan lang, abala siya sa bagong pro wrestling project na “Real American Freestyle” at pagbubukas ng bar malapit sa Madison Square Garden — isang simbolikong pag-ikot ng kanyang wrestling legacy.
Sa social media, bumuhos ang tribute. Maging si Ric Flair at iba pang wrestling icons ay nagpahayag ng pagdadalamhati.
“Walang katulad si Hulk Hogan. Henerasyon ang pinaligaya niya. Sa puso ng fans, forever siyang magiging champion.”
Rest in power, Hulkster. You body slammed the world, and we’ll never forget you. (RON TOLENTINO)
