Wala nang atrasan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa harap ng sunod-sunod na kalamidad.
Sa kanyang pahayag nitong Huwebes, idiniin ng Pangulo na hindi na “emergency” kundi normal na ang extreme weather dulot ng climate change — kaya’t dapat semi-permanent na ang disaster response system ng bansa!
“Hindi na ito kakaiba. Hindi na ito biglaan. Ganito na talaga ang panahon ngayon. Mangyayari at mangyayari ito taon-taon,” madiing pahayag ni Marcos matapos ang pulong kasama ang NDRRMC sa Camp Aguinaldo.
Giit ng Pangulo, maayos at gumagana na ang rescue at relief protocols, pero dapat nang tutukan ang pangmatagalang solusyon — tulad ng mas matibay na evacuation centers, sapat na gamot, at alternate learning systems para sa mga estudyante.
“Kahit isa lang ang magkasakit sa evacuation center, laganap agad ‘yan,” babala ni Marcos, kaya’t agad siyang nag-utos ng deployment ng medical teams sa lahat ng evacuation areas.
Dahil sa sunod-sunod na class suspension, nanawagan din si BBM na aralin ang mga alternatibong paraan ng pag-aaral upang hindi mapag-iwanan ang mga bata tuwing may bagyo.
Ang panawagan ng Pangulo: “Panahon na para tanggapin na bahagi na ng buhay Pilipino ang matitinding bagyo. Hindi ito pansamantala — kaya dapat ang tugon natin, hindi rin panandalian.”
Sa gitna ng pulitika at krisis, ang malinaw: ayaw na ni Marcos ng reactive. Gusto niya, ready na tayo bago pa man bumagyo.
