Kung hindi lang daw sa kontrobersyal na talo noong Game 1, baka tapos na ang PBA Philippine Cup Finals ngayon. Pero imbes na magluksa, San Miguel Beermen ang bumangon—at ngayon, 3-1 na ang kanilang kalamangan laban sa TNT Tropang 5G!
Ngayong Miyerkules, Hulyo 23, haharapin ng SMB ang Game 5 sa Smart Araneta Coliseum—bitbit ang layuning tapusin na ang serye at kunin ang korona ng All-Filipino Conference.
Ayon kay Coach Leo Austria, hindi pa rin sila kampante kahit hawak na nila ang momentum.
“Iyong Game 1 talaga ang nagpagising sa amin. Nakita ko sa mga mata ng players—may apoy! Gusto nilang manalo,” pahayag ni Austria.
Dagdag pa niya, “Lagi ko sinasabi, kailangan may killer instinct. Kahit lamang ka na, hindi pwedeng kampante. Dapat walang bibitaw.”
Inaabangan muli ang kombinasyon ng June Mar Fajardo, 12-time Best Player of the Conference, at si CJ Perez, runner-up sa parehong award.
Pero hindi lang sila ang sandalan. Ang SMB bench ay malalim at matibay—nandiyan sina Jericho Cruz, Don Trollano, at Juami Tiongson na kayang sumalo ng puntos. Dagdag pa ang veterans nina Mo Tautuaa, Chris Ross, at Marcio Lassiter.
Sa kabilang banda, halos pilay ang Tropang 5G—may iniindang injuries sina Poy Erram at Simon Enciso, habang pilit bumabangon sina RR Pogoy, Calvin Oftana at Jordan Heading.
Kung gusto pa nilang buhayin ang laban, kailangan nilang magpakitang-gilas kasama ng mga backup players na sina Brandon Ganuelas-Rosser, Glenn Khobuntin, at Kelly Williams.
Isa lang ang sigurado—kung hindi kikilos ang TNT, tapos na ang kwento at beer celebration na ang kasunod! (RON TOLENTINO)
