ANIM ang kumpirmadong patay, habang walo ang nawawala matapos magkasabay na umatake ang Severe Tropical Storm Crising (Wipha), ang habagat, at isang low-pressure area.
Limang sugatan din ang iniulat, pero ayon sa NDRRMC, subject to validation pa ang mga datos.
Umabot naman sa 1.3 milyong katao o katumbas ng 370,693 pamilya ang apektado sa iba’t ibang rehiyon.
Sa bilang na yan, 107,983 ang displaced—may 42,355 evacuees sa 464 evacuation centers, habang 65,628 ang pansamantalang nakikituloy sa mga kamag-anak o kaibigan.
Umabot sa 194 road sections at 12 tulay ang napinsala. Sa kasalukuyan, 53 kalsada at 8 tulay ang totally sarado at impassable.
Sa pinagsamang bagsik ng Crising at habagat, 467 lugar sa buong bansa ang binaha. Kabilang dito ang Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol Region, Western at Central Visayas, Zamboanga Peninsula, Soccsksargen, Caraga, Metro Manila at Negros Island Region.
Naitala rin ang 47 insidente tulad ng landslide, pagguho ng gusali, pagbagsak ng debris, maritime accident, storm surge, ipo-ipo, malalakas na hangin, rockfall at pagkalunod.
“Hindi pa tapos ang peligro. Patuloy ang monitoring at inaasahan pang madagdagan ang bilang ng mga nasaktan at nawawala,” babala ng NDRRMC.
