
ARESTADO ang isang retiradong sundalo matapos pagtripan at pagbabarilin ang tatlong kelot, kabilang ang dalawang estudyante sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga tauhan ni Caloocan Police OIC chief P/Col. Joey Goforth, alas-6:30 ng gabi, kumakain ang mga biktimang sina alyas “DJ”, 20, out-of-school youth, alyas “Zenri”, 20, estudyante at alyas “Mark”, 19, estudyante, pawang residente ng Brgy. 8, sa Sinilyasi Street, nang dumaan ang suspek na si alyas “Juanito”, 59, retired Marines, at kanyang kasama.
Makalipas ang ilang sandali, bumalik ang suspek at nilapitan ang mga biktima saka nagtanong “Adik ba kayo?” bago naglabas ng baril at ilang beses na nagpaputok patungo sa kanilang direksyon.
Dahil sa takot, nagtakbuhan sa magkakaibang direskyon ang mga biktima saka nagtago para sa kanilang kaligtasan habang tumakas naman ang suspek patungo sa kanilang bahay sa nasabi ring barangay.
Sa isinagawa namang follow-up operation ng mga tauhan ng Caloocan Police Sub-Station 4 sa pangunguna ni P/Capt. Zoilo Lopez, katuwang ang SWAT team sa pamumuno ni P/Capt. Mark Son Almeranes ay matagumpay na naaresto ang suspek.
Nakumpiska sa suspek ang ginamit na isang ARMSCOR caliber .45 pistol na may isang magazine na kargado ng isang bala at isang basyo ng bala saka siya dinala sa himpilan ng pulisya para sampahan ng kaukulang kaso.
