Tiniyak ni Batangas Governor Vilma Santos Recto na ligtas kainin ang mga isda mula sa Taal Lake, sa kabila ng kontrobersiya kaugnay ng natagpuang mga human remains sa lawa na konektado sa kaso ng mga nawawalang sabungero.
Sa isang video na ipinost sa kanyang Facebook page, mismong si Gov. Vilma ay kumain ng sariwang tawilis mula sa Taal bilang patunay na ligtas ang pagkaing dagat mula sa lawa.
“Nothing to worry! May issue sa Taal Lake pero hindi dapat maapektuhan ang pagkain ng magagandang isda na nariyan. Napakalawak ng Taal Lake, at ang mga isda diyan ay alaga po,” pahayag ni Santos Recto sa video.
Kamakailan, narekober ng mga awtoridad ang mga sako ng buto na pinaniniwalaang labi ng mga sabungerong nawawala. Ayon sa isang whistleblower, ilang sabungero umano ang pinatay at itinapon sa lawa ng ilang tiwaling pulis na konektado sa isang ilegal na sabungan.
Ngunit nilinaw ng gobernador na ang mga isda sa Taal tulad ng tilapia, bangus, maliputo, at tawilis ay pinalalaki sa mga fish pens at hindi kumakain ng karne.
“Yung mga isda natin diyan, cultured po yan. Alagang-alaga. Ang tawilis natin, non-carnivorous, halaman ang kinakain. Kaya huwag kayong mag-alala, ligtas kainin ang mga isda sa Taal,” dagdag pa niya.
Hinihikayat ng gobernador ang publiko na ipagpatuloy ang pagbili at pagkain ng mga produktong isda mula sa Taal upang matulungan din ang kabuhayan ng mga lokal na mangingisda.
“Enjoy tawilis, enjoy tilapia, enjoy our bangus, enjoy maliputo!” pagtatapos ni Gov. Vi.
