Mariing kinondena ng Department of Agriculture (DA) nitong Biyernes ang mga ulat na may ilang rice traders sa Nueva Ecija na bumibili ng basang palay sa halagang P5 kada kilo, sa kabila ng patapos na anihan.
Ayon kay DA Assistant Secretary Arnel de Mesa, sobra na ang ganitong kalakaran at malinaw na pananamantala sa mga magsasaka.
“Sobra-sobra na iyon, talagang pang-aabuso iyon ng mga traders,” pahayag ni De Mesa.
Ang insidente ay unang ibinunyag ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), dahilan upang agad na maglunsad ng imbestigasyon ang DA.
Ipinag-utos na rin ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. sa National Food Authority (NFA) at sa DA Regional Field Office na beripikahin ang ulat at alamin kung sino-sino ang sangkot.
“Kung totoo, dapat matukoy kung sino ang mga trader na bumibili sa ganitong halaga at i-report, kasi malinaw na may pang-aabuso,” giit ni De Mesa.
Posibleng sampahan ng kasong profiteering ang mga trader na mapapatunayang nananamantala sa mga magsasaka.
Samantala, inihayag ni De Mesa na pinag-aaralan na ng DA ang pagtakda ng minimum farmgate price para sa palay, na target ilunsad sa susunod na anihan sa pagitan ng Setyembre at Oktubre.
Binanggit din niya ang kahalagahan ng House Bill No. 1 o Rice Industry and Consumer Empowerment (RICE) Act, na magbibigay ng legal na batayan sa pagpapatupad ng price floor para sa palay.
Sa ngayon, wala pang inilalabas na eksaktong halaga kung magkano ang magiging minimum na farmgate price, ngunit tiniyak ng DA na patuloy silang nakikipag-ugnayan sa mga magsasaka at industry stakeholders para rito.
