Nanawagan si Senador Joel Villanueva ng agarang pagtigil sa paglaganap ng online gambling sa bansa, na tinawag niyang isang “lumalalang pambansang krisis.”
Sa Kapihan sa Manila Bay forum nitong Miyerkules, iginiit ni Villanueva na hindi na simpleng libangan ang online gambling, kundi isa nang seryosong adiksyon at social problem.
“Hindi ito simpleng laro. Isa na itong lumalaking pambansang krisis. Ito ay nagpo-promote ng adiksyon, ng kasakiman. Kaya dapat na itong tapusin,” ani Villanueva sa Filipino.
Noong 2022, inihain ni Villanueva ang Senate Bill No. 1281, na naglalayong ipagbawal at parusahan ang lahat ng anyo ng online gambling sa bansa. Muling iginiit ng senador ang kanyang panukala para sa 20th Congress, kasabay ng panawagang magkaroon ng “clean slate” o panimulang muli sa regulasyon ng gambling sa Pilipinas.
“Sa tingin ko, unti-unti na tayong nakakakuha ng suporta. Hindi na natin dapat basta i-regulate lang ito, dapat tuluyan nang ipagbawal,” dagdag ni Villanueva.
Kaugnay nito, naghain din si Senador Juan Miguel Zubiri noong Hulyo ng hiwalay na panukalang batas para sa total ban sa online gambling, na tinawag niyang “silent epidemic” dahil sa tahimik ngunit malalim nitong epekto sa mga Pilipino, lalo na sa mga kabataan at mahihirap na sektor.
Batay sa datos na inilahad ni Sen. Raffy Tulfo, tinatayang aabot sa P140 bilyon ang mawawala sa kita ng gobyerno kung tuluyang ipatitigil ang online gambling. Ngunit giit ng ilang mambabatas, may iba pang paraan upang mapunan ang pagkawala ng kita na hindi kailangang isugal ang kapakanan ng publiko.
Ayon sa Malacañang, sinusubaybayan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kalagayan ng mga Pilipinong nalululong sa online gambling at pinag-aaralan ang mga hakbang para maresolba ito.
“Ang kinabukasan ng mga kabataan at pamilya ang nakataya rito. Hindi natin dapat payagan na gawing normal ang sugal sa ating lipunan, lalo na kung ito’y nagiging dahilan ng pagkasira ng buhay,” pagtatapos ni Villanueva.
