
Nakatakdang makipagbakbakan ang Nxled Chameleons para sa kanilang ikatlong sunod na panalo sa pagpapatuloy ng Premier Volleyball League (PVL) On Tour ngayong Martes, Hulyo 15, sa Filoil EcoOil Arena, San Juan City.
Makakaharap ng Nxled ang struggling team na Galeries Tower sa 4:00 p.m. game, kung saan layon ng Chameleons na makasalo sa liderato ng Pool A kasabay ng PLDT.
Matapos talunin ang mga powerhouse teams na Choco Mucho Flying Titans at Petro Gazz Angels sa Batangas noong nakaraang linggo, determinado ang Nxled na ipagpatuloy ang kanilang winning momentum.
Inaasahang mangunguna muli si rookie standout Lyann de Guzman, na nagrehistro ng kabuuang 45 points sa dalawang nakaraang laban.
Magiging susi rin sa Nxled ang suporta nina Chiara Permentilla, EJ Laure, Krich Macaslang, at Jovelyn Fernandez, lalo na sa mga crucial moments ng laro.
Sa kabila ng sunod-sunod na talo mula sa Petro Gazz at Choco Mucho, patuloy ang pagsisikap ng Galeries Tower na makabangon mula sa pagkakadapa. Pangungunahan pa rin ng trio nina Jewel Encarnacion, Ysa Jimenez, at France Ronquillo ang kanilang opensiba.
Sa ikalawang laro sa 6:30 p.m., sisikapin ng Capital1 Solar Spikers na putulin ang kanilang apat na sunod na pagkatalo laban sa Akari Chargers.
Bitbit ang 1-3 record, naghahanap rin ng rebound win ang Akari matapos ang dikit na five-set loss kontra Chery Tiggo.
Magtatapat ang powerhouse trio ng Capital1 na sina Trisha Genesis, Shola Alvarez, at Sydney Niegos kontra sa opensa ng Akari na pinangungunahan nina Ivy Lacsina, Ced Domingo, at Grethcel Soltones.
Inaasahan ng mga fans ang dalawang mainit na bakbakan sa pagpapatuloy ng PVL On Tour sa Metro Manila. (RON TOLENTINO)
