UMUGONG ang espekulasyon at nostalgia matapos i-release ng Eat Bulaga ang isang teaser video na tila pahiwatig ng pagbabalik ng iconic nilang segment na KalyeSerye.
Sa 16-segundong clip na inupload sa opisyal na social media pages ng show, maririnig si Wally Bayola sa kanyang karakter na si Lola Nidora, na binigkas muli ang kanyang signature lines mula sa KalyeSerye.
Matapos ang ilang segundo, lumitaw sa screen ang mga katagang: “Secrets will be revealed,” “Tamang Panahon” at pagkatapos ay “Abangan.”
Agad itong pinag-usapan online at binaha ng komento mula sa mga fans na sabik malaman kung magbabalik nga ba ang KalyeSerye.
Narito ang ilan sa mga reaksyon ng netizens:
“KALYESERYE 2.0 NA TO!”
“KalyeSerye please, kailangan namin ng kilig ulit!”
“My AlDub heart is beating again.”
“Ganda talaga ng KalyeSerye sa telebisyon. #KalyeSerye #EatBulaga”
Ang KalyeSerye ay tumakbo mula 2015 hanggang 2016, at bahagi ng “Juan for All, All for Juan” segment ng Eat Bulaga. Dito unang sumikat ang love team na AlDub—si Maine Mendoza bilang Yaya Dub at si Alden Richards.
Sa kwento ng KalyeSerye, nag-ugat ang tambalan mula sa “split screen romance” kung saan nagkakausap lang ang dalawa sa pamamagitan ng TV screen. Naging patok ito sa masa at nagresulta sa tinaguriang “Tamang Panahon” event na pumuno sa Philippine Arena noong 2015.
Wala pang opisyal na detalye kung pagbabalik nga ba ito ng KalyeSerye o bagong proyekto, ngunit tiniyak ng Eat Bulaga na may malaking pasabog na ihahayag sa mga susunod na araw.
Patuloy ang pananabik ng fans—Magbabalik na ba ang KalyeSerye?
