Nagpamigay ng mga refurbished smartphones ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) katuwang ang Globe at GCash sa 256 benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa mga bayan ng Bataraza at Brooke’s Point, Palawan.
Ayon sa DSWD, bahagi ito ng “Pre-loved Phone Donation Drive”, isang inisyatiba na may layuning dalhin ang digital financial literacy at tools sa mga pamilyang 4Ps, lalo na sa mga liblib na lugar.
Kabilang sa layunin ng programang ito ang mas mabilis at mas madaling pagtanggap ng cash grants gamit ang digital banking, pati na rin ang pagsuporta sa online learning at digital livelihood ng mga pamilya.
“Ang hangarin natin ay dalhin ang serbisyo ng gobyerno kung saan naroroon ang mga tao,” pahayag ni DSWD Secretary Rex Gatchalian.
“Kapag may digital tools na sila, hindi na nila kailangang maglakad nang malayo para lang makuha ang kanilang ayuda. Malaking bagay na ‘yan sa buhay nila,” dagdag pa niya.
Kasabay ng pamimigay ng smartphones, nagsagawa rin ng financial literacy sessions para sa mga benepisyaryo upang maturuan silang gamitin ang teknolohiya nang responsable at makabuo ng dagdag na kabuhayan.
Ayon kay Carl Cruz, Presidente at CEO ng Globe, ang proyekto ay tungkol sa inclusivity at pagbibigay ng mas maraming oportunidad para sa mga Pilipinong nangangailangan.
“Hindi lang ito basta pamimigay ng telepono, kundi pagbubukas ng pinto para sa digital economy at mas madaling access sa financial services,” ani naman ni Oscar Enrico Reyes Jr., Presidente at CEO ng G-Xchange Inc., operator ng GCash.
Bukod sa Palawan, nagsagawa na rin ng katulad na pamimigay ng smartphones ang DSWD sa Navotas at Romblon.
