Ipinamalas ni International Master Michael Concio Jr. ang kanyang pamatay na porma matapos walisin ang lahat ng siyam na laban upang masungkit ang standard title sa unang edisyon ng Bangkok Summer International Chess Open sa Thailand.
Walang kapantay ang ipinakitang galing ng 19-anyos na chess prodigy mula Dasmariñas, Cavite, matapos niyang talunin ang dalawang Grandmaster—ang kababayan at teammate na si Daniel Quizon sa Round 4, at GM Sayantan Das ng India sa Round 7.
Bumagsak din sa kamay ni Concio sina Paul Aston Nguyen (Hong Kong), Davin Sean Romualdez (Pilipinas), Nay Lin Tun (Myanmar), Babu Nithin (India), Alan Morris-Suzuki (USA), at Arsens Batashevs (Latvia).
Napakalaki ng lamang ni Concio sa katunggali matapos niyang tapusin ang torneo na may perfect score na 9.0 points—dalawang puntos ang agwat sa pumangalawa’t pangatlong sina Babu Nithin at Sayantan Das na kapwa nagtapos na may 7.0 puntos.
Si Daniel Quizon, na bumangga rin kay Russian FIDE Master Alexander Chernyavsky, ay nagtapos sa ika-apat na pwesto na may 6.5 puntos, tinalo si Chernyavsky sa tie-break.
Ang tagumpay ni Concio ay nagbigay ng Philippine sweep sa inaugural tournament matapos ding tanghaling kampeon si Daniel Quizon sa rapid at blitz events noong mga naunang araw.
Isang patunay ito ng patuloy na pag-angat ng chess sa Pilipinas, na ngayo’y hindi na lamang nakikipagsabayan kundi nangunguna na sa pandaigdigang entablado. (RON TOLENTINO)
