Naglabas ng bagong panuntunan si Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na magbabawal sa lahat ng telecommunications at utility companies na basta-basta na lang magkabit ng mga kawad sa mga poste sa lungsod nang walang pahintulot mula sa Meralco.
Ayon kay Yorme, tapos na ang panahon ng kung sinu-sinong kumpanya ang basta na lang maglalagay ng linya—dahil simula ngayon, kailangang may “GO SIGNAL” muna mula sa Meralco bago magsabit ng kahit anong kable.
“Lahat ng telco o kung sino mang gustong gumamit ng poste ng Meralco, hindi na puwedeng basta-basta magkabit. Simula pa noong nakaraang linggo, sinabi ko na ‘yan kina Engr. Andres at Engr. Randy,” babala ni Isko.
Dagdag pa ng alkalde, sa ilalim ng bagong patakaran, Meralco na ang may huling salita kung papayagan ang anumang installation ng linya sa kanilang poste.
“Kung feasible, hindi naman siguro ipagkakait ng Meralco. Pero kung hindi, eh ‘di susunod tayo sa utos nila,” aniya.
Ang direktiba ni Yorme ay kaugnay ng ipinatutupad na Executive Order No. 5 kung saan target tanggalin ang mga “spaghetti wires” na matagal nang perwisyo sa mga lansangan ng Maynila.
“Kahit papaano, may 2 million kilos ng mga kawad na wala nang silbi. Sa tulong ng Meralco, unti-unti nating nililinis ang lungsod,” ani Isko.
“Kung nagtutulungan ang gobyerno at pribadong sektor—pulgada man o metro—maaabot natin ang layuning gawing kaaya-aya ang Maynila.”
Kinumpirma naman ni Meralco Vice President at Corporate Communications Head Joe Zaldarriaga ang kanilang buong suporta sa kampanya ni Yorme.
“Malaking bagay ‘yan na kaalyado mo ang City Hall. Kaya todo na kami ngayon. Walang aatrasan hangga’t may natitirang spaghetti wire!” giit ni Zaldarriaga.
