Photo courtesy: UPD College of Engineering/FB
Umani ng papuri sa social media si Pasig City Mayor Vico Sotto matapos ang kanyang makabuluhan at makabagbag-damdaming talumpati sa mahigit 1,000 engineering graduates ng University of the Philippines (UP) noong Hulyo 8.
Sa UP College of Engineering Recognition Rites na ginanap kamakailan, nagsilbing panauhing tagapagsalita si Sotto, kasama si Baguio City Mayor Benjamin Magalong.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ng alkalde na walang saysay ang tagumpay at ambisyon kung ito’y walang kalakip na integridad.
“Hindi sapat na magaling ka. Dapat mabuting tao ka. Ang tunay na tagumpay, hindi lang ‘yung mataas ang sweldo o kilala ka. Kung yumaman ka pero may tinapakan kang iba o galing sa nakaw ang yaman—tagumpay ba talaga ‘yun?” ani Sotto sa kanyang talumpati.
Hindi gaya ng mga karaniwang graduation speech, diretsahang hinarap ng 36-anyos na alkalde ang mga realidad na kakaharapin ng mga bagong propesyonal—kabilang na ang hamon ng pananatiling tapat at may prinsipyo sa mundong puno ng tukso at sistema.
“Napakadaling makain ng sistema. People start off with good intentions, but along the way, they get lost… nakakakain ng pangarap at ambisyon,” ani Sotto.
“Mabilis macha-challenge ang idealismo niyo, pero sana hindi ito mawala.”
Gayunman, nagbigay pag-asa si Sotto sa kabataang henerasyon, na aniya’y may kapangyarihang wasakin ang bulok na sistema at magsimula ng makabuluhang pagbabago.
“Pray that you live with faith and integrity, and use your privilege to serve, protect, and help those who are not as fortunate in life,” dagdag pa niya.
“Hindi ko man nabago ang lahat, naging mabuti akong tao sa kapwa ko. Nakatulong ako sa ikagaganda ng bayan natin.”
Si Sotto ay kasalukuyang nasa kanyang ikatlo at huling termino bilang alkalde ng Pasig matapos siyang muling mahalal sa landslide victory noong May 2025 midterm elections.
Sa kanyang panunungkulan, tinutukan ni Sotto ang mga programang nakatuon sa kalusugan, edukasyon, pabahay, at laban sa katiwalian.
Kilala rin siya bilang tagapagsulong ng government transparency at people’s participation. Noong nakaraang taon, pinarangalan siya bilang isa sa 12 International Anticorruption Champions dahil sa kanyang mga natatanging hakbang sa pagsusulong ng malinis na pamahalaan.
