Mariing pinabulaanan ni PCSO Chairperson at retiradong hukom na si Judge Felix P. Reyes ang mga paratang na sangkot siya sa umano’y case-fixing para kay negosyanteng Atong Ang, kasunod ng mga pahayag ng whistleblower na si Julie “Dondon” Patidongan, alyas “Totoy.”
Sa isang opisyal na pahayag na may petsang Hulyo 8, 2025, tinawag ni Reyes na “walang basehan” at “malisyoso” ang mga akusasyon, partikular na ang sinasabing may kinalaman siya sa mga kaso kaugnay ng nawawalang mga sabungero.
“Matindi kong pinabubulaanan ang mga akusasyon ni Ginoong Patidongan. Hinahamon ko siyang tukuyin kung aling kaso ni Mr. Atong Ang ang aking inaayos o isinettle pabor sa kanya,” ayon kay Reyes. “Kung wala siyang maipakitang ebidensya, dapat lang na manahimik siya.”
Bilang bahagi ng kanyang depensa, pinayagan ni Reyes ang Bureau of Immigration na isapubliko ang lahat ng kanyang biyahe sa ibang bansa mula nang magretiro siya bilang hukom noong Oktubre 1, 2021, hanggang sa kasalukuyan, upang patunayan na wala siyang anumang naging lakad kasama ang mga piskal o hukom para sa umano’y case-fixing.
Itinuro rin niya ang “kaduda-dudang timing” ng akusasyon, na lumabas isang araw matapos siyang magsumite ng aplikasyon para sa posisyon ng Ombudsman. “Parang hindi nagkataon lang,” aniya.
Sa pagtatapos ng pahayag, tiniyak ni Reyes ang kanyang kahandaang makipagtulungan sa anumang imbestigasyon mula sa gobyerno upang linawin ang isyu at mapangalagaan ang integridad ng hudikatura at prosekusyon.
Ang naturang mga akusasyon ay may kaugnayan sa patuloy na iniimbestigahang kaso ng mga nawawalang sabungero, na hanggang ngayon ay hindi pa nareresolba sa korte.

