Sinupalpal ni dating Senadora at ngayo’y Mamamayang Liberal party-list Representative Leila de Lima ang pahayag ni Senador Juan Miguel Zubiri na ang impeachment laban kay Vice President Sara Duterte ay isang “witch-hunt.” Ayon kay de Lima, siya ang tunay na biktima ng ganitong uri ng panggigipit noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa isang ambush interview sa Batasang Pambansa nitong Martes, sinabi ni de Lima na ang pagkakasampa ng kaso laban kay Duterte ay may malinaw na batayan — hindi katulad sa naging karanasan niya, kung saan aniya ay peke at walang saysay ang mga isinampang kaso laban sa kanya.
“Walang witch-hunt dito. Witch-hunt ‘yan kung walang basehan — tulad ng nangyari sa akin noon, gawa-gawang kaso lang, ‘di ba? Ang tawag diyan ay panggigipit, paninira, at persecution. Pero dito sa impeachment ni VP Sara, may mga basehan,” ani de Lima.
Tinukoy ni de Lima na 215 miyembro ng Kamara ang lumagda sa ika-apat na reklamong impeachment laban kay Duterte — malinaw aniyang indikasyon na may sapat na dahilan para ito isulong. Ang mga reklamong inilahad ay may kinalaman sa umano’y maling paggamit ng confidential funds, pagbabanta sa mga opisyal, at iba pang posibleng paglabag sa Konstitusyon.
“Kung walang basehan, hindi sana ito pirmado ng mahigit isang-katlo ng mga miyembro ng Kamara. Hindi ito naipasa at naipadala agad sa Senado,” dagdag ni de Lima.
Binalikan din ni de Lima ang kanyang naging karanasan noong 2017, kung saan siya ay inaresto matapos akusahan ng administrasyong Duterte na may kinalaman sa kalakaran ng droga sa New Bilibid Prison. Ilang taon siyang nakakulong sa PNP Custodial Center at nakalaya lamang noong Nobyembre 2023, matapos payagan ang kanyang hiling na makapagpiyansa. Noong Hunyo 2024, ibinasura ang huling natitirang kaso laban sa kanya.
Samantala, si Zubiri, sa kabila ng pahayag na dapat sundin ang proseso ng Konstitusyon, ay nagpahayag ng personal na opinyon na ang impeachment ay “witch-hunt” umano para tanggalin si Duterte sa puwesto bilang paghahanda sa 2028 elections.
Ngunit ayon kay de Lima, hindi dapat gamitin ang ganitong klase ng retorika upang pagtakpan ang posibleng pananagutan ng isang mataas na opisyal.
“Ang witch-hunt ay ginagamit para takutin ang hustisya at linlangin ang taumbayan. Pero dito, malinaw na may proseso, may ebidensya, at may intensyon para panagutin ang may pananagutan,” aniya.
Ang impeachment trial laban kay VP Duterte ay pansamantalang naudlot matapos aprubahan ng Senado ang mosyon ni Senador-Judge Alan Peter Cayetano na ibalik muna ang mga articles of impeachment sa Kamara dahil sa umano’y mga problemang legal. Inihain ito bilang pagbabago sa naunang mosyon ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa na agad na ibasura ang kaso.
Samantala, sinabi ni Rep. Joel Chua na tila nagiging abogado na ng depensa si Duterte ang ilang senador na dapat ay patas sa pagdinig ng kaso.
Habang mainit ang usapin, nanindigan si de Lima: “Hindi dapat baluktutin ang katotohanan. Kung may kasalanan, dapat managot — kahit pa sino pa siya.”
