Pormal nang nilagdaan ngayong Hulyo 8 ng Government Service Insurance System (GSIS), Power Sector Assets and Liabilities Management Corporation (PSALM), at National Power Corporation (NPC) ang isang tripartite Memorandum of Agreement (MOA) para sa pagresolba ng mahigit ₱1 bilyong hindi naipadalang premium contributions ng NPC mula pa noong 2003.
Ang kasunduan ay ginanap sa tanggapan ng PSALM sa Vertis North, Quezon City, kasunod ng seremonyal na turnover ng tseke noong Hunyo 17 sa GSIS Head Office sa Pasay City. Saklaw ng settlement ang buong restructured obligation para sa mga kwalipikadong dating empleyado ng NPC na napatunayang may karampatang serbisyo base sa audit ng Commission on Audit (COA).
Bilang bahagi ng kasunduan, pinatawad ng GSIS ang 60% ng naipong interes batay sa mga alituntuning inaprubahan ng kanilang Board of Trustees.
Itinuring ni GSIS President at General Manager Wick Veloso ang kasunduan bilang isang makasaysayang hakbang para sa katarungan at pagbibigay benepisyo.
“Ang ginawa natin ngayon ay hindi lamang nagbibigay ng pag-asa sa mga tao mula sa PSALM at NPC, kundi nagpapahayag din ng mensahe sa lahat ng nagsisilbi sa gobyerno: Gagawin natin ang lahat upang masuklian ang kanilang tapat na serbisyo sa bayan,” ani Veloso.
Binigyang-diin naman ni PSALM President and CEO Dennis Edward Dela Serna ang kahalagahan ng pananagutang pinansyal at transparency:
“Ang seremonyal na lagdang ito ay patunay ng ating kolektibong pananagutan sa fiscal responsibility, legal prudence, at social justice.”
Ayon kay NPC PCEO Fernando Martin Roxas, ang kasunduan ay makabuluhan para sa 1,233 dating empleyado ng NPC at kanilang mga pamilya na nawalan ng trabaho dahil sa privatization ng kumpanya.
“Ngayon, naibabalik natin ang mga benepisyong naaayon sa batas sa pamamagitan ng tulong ng PSALM at GSIS. Sisiguraduhin naming maipamahagi ito sa mga kwalipikadong benepisyaryo sa pinakamabilis at episyenteng paraan,” pahayag ni Roxas.
Ngayong kumpleto na ang pagbabayad at pormal nang napirmahan ang MOA, magsasagawa ang GSIS ng recomputation at crediting ng service periods ng mga kwalipikadong empleyado upang kanilang matanggap ang nararapat na retirement at insurance benefits.
