Isang dating aide ni negosyanteng si Atong Ang ang nagsiwalat ng umano’y milyong pisong lagayan kada buwan sa ilang opisyal ng pulisya kaugnay ng pagkawala at pagpatay sa mga sabungero.
Sa isang panayam, ibinunyag ni Julie Patidongan, dating tauhan ni Ang, na umaabot sa ₱2 milyon kada buwan ang tinatanggap umano ng isang police lieutenant colonel, habang ₱500,000 naman ang hinahati-hati ng iba pang pulis na sangkot sa umano’y operasyong pagdukot at pagpatay sa mga sabungero.
“P500,000 lang yan sa isang grupo… yung team leader nila, may monthly na 2 million pesos. Police lieutenant colonel yun, kumpare ko pa,” saad ni Patidongan.
Ayon pa sa kanya, bukod sa nasabing opisyal, sangkot din umano ang mga pulis na may ranggong lieutenant, executive master sergeant, staff master sergeant, staff sergeant, at corporal.
Mariin namang itinanggi ni Patidongan na may kinalaman ang National Bureau of Investigation (NBI) sa kontrobersya, taliwas sa mga kumakalat na ispekulasyon.
“Nililink lang talaga ang NBI pero walang NBI na involved. Director Santiago, ‘wag kayo magpadala. Gawa-gawa lang ‘yan ni Mr. Atong Ang para siraan ako,” giit niya.
Samantala, hindi pa nagbibigay ng pahayag ang kampo ni Atong Ang kaugnay ng mga paratang ni Patidongan sa oras ng pagsulat ng ulat.
Pinagtanggol din ni Patidongan ang isang Alan “Brown” Bantiles, na ilang ulit nang idinawit ni Ang sa mga reklamo. Aniya, wala umanong kinalaman si Bantiles sa anumang ilegal na gawain.
“Kinasama ng loob ko na pati ‘yung taong walang kasalanan, dinawit niya,” anang whistleblower.
Sa kanyang sinumpaang salaysay, sinabi naman ni Ang na si Patidongan mismo ang lumapit sa kanya noon upang itanggi ang mga paratang. Dahil dito, binigyan niya umano ito ng legal at pinansyal na suporta.
Ngunit kalaunan, inakusahan ni Ang sina Patidongan at Bantiles ng pagbabalak na dukutin at patayin siya, mangikil ng ransom, at magnakaw sa kanyang mga ari-arian. Ayon pa sa affidavit, inatasan umano si Bantiles na kumuha ng mga pekeng pasaporte at visa bilang bahagi ng pagtakas ng grupo palabas ng bansa.
“Dondon openly discussed a grave and calculated criminal scheme,” ani Ang sa affidavit.
Itinanggi naman ni Patidongan ang lahat ng akusasyon at iginiit na noong 2021 ay binigyan siya ni Ang ng pekeng pasaporte upang hadlangan siyang tumestigo laban sa kanyang dating amo.
“Nakarating ako ng Singapore, Cambodia, Europe gamit ang pekeng passport na pinagawa ni Mr. Atong Ang. Hinahunting na ako. Gusto lang ako makuha para ikanta ko si Mr. Atong Ang,” pahayag niya.
Sa ngayon, nasa ilalim ng protective custody si Patidongan ng Philippine National Police (PNP) at nakikipagtulungan na sa Department of Justice (DOJ) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) para sa kanyang pormal na salaysay.
“Nagpapasalamat ako kay Sir Torre. Simula nang lumantad ako, binigyan na niya ako ng seguridad,” dagdag niya. Nakatakda rin siyang magsampa ng mga kaso laban kay Atong Ang sa mga darating na araw.
