Nagpanukala si Senator Bong Go ng Senate Bill na tinawag na “PhilHealth Card Act of 2025” na layong gawing opisyal ang pagbibigay ng health card sa lahat ng Pilipino bilang bahagi ng pagsasakatuparan ng National Health Insurance Program (NHIP).
Bilang chairman ng Senate Committee on Health, sinabi ni Go na layon ng panukala na tugunan ang malaking agwat sa pagitan ng coverage na iniuulat ng PhilHealth at ang aktwal na kaalaman ng mga Pilipino tungkol sa kanilang pagiging miyembro. Isa itong pangunahing dahilan kung bakit marami pa rin ang natatakot magpagamot dahil sa gastusin.
“As of the first semester of 2024, ang PhilHealth ay nag-ulat na 100% na raw ang coverage sa lahat ng 112.89 milyong Pilipino. Pero noong 2023, nasa 96% lang ang aktwal na rehistrado—ibig sabihin, may 4.52 milyon pa ring Pilipino na hindi miyembro,” paliwanag ni Go.
Dagdag pa niya, nasa 27.8 milyon lang ang kasalukuyang nakarehistro sa Konsulta Program ng PhilHealth, indikasyon na marami pa rin ang hindi batid na sila ay sakop ng PhilHealth benefits.
Sa ilalim ng panukala, obligado ang PhilHealth na maglabas ng health card o anumang valid proof of membership sa lahat ng miyembro ng NHIP—kasama na ang indigents at indirect contributors. Hindi kailangang ipakita ang card para makakuha ng benepisyo, pero magsisilbi itong patunay ng pagiging miyembro at makakatulong sa pag-track ng paggamit ng serbisyo.
“Hindi kailangang mahal ang card. Ang importante, may hawak ang pasyente na magsasabing miyembro sila ng PhilHealth,” ani Go. “Dapat alam nila ang benepisyong makukuha nila para hindi na sila mag-alanganin magpa-checkup o magpa-ospital.”
Hinimok din ni Go ang PhilHealth na ikonsidera ang integrasyon ng health cards sa National ID system para mas mapadali ang access at tracking.
Ipinunto rin ng senador na tugma ang panukala sa mandato ng Saligang Batas at ng Universal Health Care Law, at panahon na umano para maramdaman ng bawat Pilipino ang tunay na proteksyon ng gobyerno pagdating sa kalusugan.
“Kailangan po natin siguraduhin na hindi lang covered sa papel, kundi alam at nararamdaman mismo ng bawat Pilipino ang kanilang PhilHealth benefits,” giit ni Go.
