
Patuloy ang GMA Integrated News sa pagtataguyod ng dekalidad na pamamahayag sa pandaigdigang entablado matapos muling kilalanin sa prestihiyosong 2025 U.S. International Awards.
Nagwagi ng Silver Award sa Documentaries & Reports – Social Issues category ang flagship newscast na 24 Oras para sa makabuluhang ulat ukol sa epekto ng Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) sa lipunan. Ang award-winning stories, na isinagawa nina Saleema Refran at Sandra Aguinaldo, ay nagbunyag ng malawakang epekto ng POGO-related crimes sa mga lokal na komunidad.
Samantala, nakatanggap din ng pagkilala ang ulat na “Unang Balita: Pinsala ng El Niño” ni Darlene Cay bilang Finalist sa Environment, Ecology & Sustainability category. Tampok sa nasabing ulat ang matinding pinsalang idinulot ng El Niño sa kabuhayan ng mga Pilipino at sa kapaligiran.
Ipinahayag ni Oliver Victor B. Amoroso, Senior Vice President para sa GMA Integrated News at Head ng Regional TV at Synergy, ang kanyang pasasalamat:
“Isang malaking karangalan para sa GMA Integrated News ang kilalanin sa U.S. International Awards ngayong taon—lalo pa’t Silver award ito. Patunay ito sa dedikasyon ng aming mga team sa makatotohanang paghahatid ng balita, integridad, at walang humpay na paghahangad ng kahusayan sa pamamahayag.”
Ayon pa kay Amoroso, ang pagkilalang natanggap ng Unang Balita ay patunay ng kahalagahan ng pagbabalita sa mga isyung pangkalikasan, lalo na sa gitna ng nagbabagong klima.
Ang mga parangal na ito ay tumutugma rin sa ika-75 anibersaryo ng GMA Network, na patuloy na nagsusulong ng totoo, makabuluhan, at may pusong pagbabalita—para sa Pilipino at para sa mundo.
Ang U.S. International Awards ay kabilang sa mga pinakaprestihiyosong parangal sa global media at journalism, na kinikilala ang kahusayan sa nilalaman para sa pelikula, telebisyon, at bagong midya mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
