
Inanunsyo ng Department of Energy (DOE) na apat na oil companies ang kumpirmadong magbibigay ng fuel discounts para sa mga public utility vehicle (PUV) drivers na apektado ng pabagu-bagong presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Kinumpirma ni DOE officer-in-charge Secretary Sharon Garin noong Linggo, Hunyo 29, na ang Petron, Shell, Caltex, at Cleanfuel ay pumayag na magpatupad ng diskuwento sa kanilang mga gasolinahan para sa mga tsuper ng pampublikong sasakyan.
Mga diskuwento:
- Petron Super Driver Card (SDC) holders: ₱0.50 hanggang ₱3 kada litro
- Shell: ₱1 hanggang ₱5 kada litro para sa PUVs; ₱2 hanggang ₱3 para sa TNVs
- Caltex: ₱2.50 kada litro ng gasolina, ₱1.50 sa diesel, at ₱10 diskuwento sa lubricant
- Cleanfuel: ₱1 kada litro ng diesel at ₱2 sa gasolina gamit ang Pasada Card
“Araw-araw naming kinakausap ang mga kumpanya para makabuo ng discount package. At least meron silang ₱1 discount sa kada litro para sa PUVs,” pahayag ni Garin sa isang panayam sa Super Radyo dzBB.
Ipinaliwanag ni Garin na hindi kontrolado ng gobyerno ang presyo ng langis, ayon sa batas. Kaya naman, humihiling ang DOE ng kooperasyon mula sa mga oil companies upang maibsan ang pasanin ng sektor ng transportasyon.
Noong nakaraang linggo, dalawang beses tumaas ang presyo ng langis:
- Gasolina: ₱1.75 kada litro
- Diesel: ₱2.60
- Kerosene: ₱2.40
Gayunman, inaasahang may rollback sa darating na Martes, Hulyo 1, na maaaring umabot sa ₱2 kada litro, ayon sa kalkulasyon ng DOE. Iniuugnay ang posibleng pagbaba ng presyo sa ceasefire sa pagitan ng Israel at Iran, na nagbigay ng ginhawa sa global oil market.
“Umakyat ng $79 per barrel ang presyo, pero bumaba ulit sa $69 matapos ang ceasefire announcement. Kaya may pag-asa tayong tuloy-tuloy ang rollback,” paliwanag ni Garin.
Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na handa ang gobyerno na magbigay ng fuel subsidy sa transport workers, magsasaka, at mangingisda kung sakaling magtuloy-tuloy ang pagtaas ng presyo.
Ngunit nilinaw ng Pangulo na: “Hindi ito ayuda—subsidy lang kung talagang tumaas ang presyo. Kung bumaba, wala tayong kailangang ipamigay.”
Sa ngayon, patuloy na minomonitor ng pamahalaan ang pandaigdigang kalagayan at handang magpatupad ng targeted support kung kakailanganin.
