
Itinala sa kasaysayan ng negosyo ng Pilipinas ang tagumpay ng Hotel101 Global Holdings Corporation, subsidiary ng DoubleDragon Corporation, bilang kauna-unahang kumpanyang Pilipino na nakalista sa prestihiyosong Nasdaq Stock Exchange sa Estados Unidos.
Ang Hotel101, isang asset-light at technology-driven hospitality platform na idinisenyo para sa mabilis na global expansion, ay opisyal na nailista sa Nasdaq noong Hunyo 27, 2025, sa ilalim ng ticker symbol na “HBNB”. Magsisimula ang opisyal na kalakalan ng shares nito sa Hulyo 1, 2025.
Sa isang makasaysayang seremonya, pinangunahan nina DoubleDragon Co-Chairmen Edgar “Injap” Sia II at Tony Tan Caktiong ang Opening Bell Ringing sa Nasdaq sa New York, na nagmarka sa bagong yugto ng pandaigdigang paglalakbay ng Hotel101.
Ayon kay Sia, “Ito ay isang makasaysayang sandali para sa DoubleDragon. Sa paglista ng Hotel101 sa Nasdaq, ipinapakita natin na kaya ng kumpanyang Pilipino makipagsabayan sa global stage. Hindi pa ito ang dulo—nagsisimula pa lamang tayo.”
Ang Nasdaq listing ay naging posible matapos ang matagumpay na business combination ng Hotel101 sa JVSPAC Acquisition Corp. (Nasdaq: JVSA), na inaprubahan ng mga shareholder nito noong Hunyo 24.
Bilang bahagi ng layunin nitong maglunsad ng 1 milyong Hotel101 rooms sa 100 bansa, kasalukuyan nang isinasagawa ang mga proyekto ng Hotel101 sa Madrid, Japan, at United States:
- Hotel101-Madrid – Isang 680-room hotel na itinatayo malapit sa bagong Formula 1 Spanish Grand Prix Circuit, nakatakdang matapos sa Disyembre 2025.
- Hotel101-Niseko, Japan – Isang 482-room project sa Hokkaido na nasa ilalim na rin ng konstruksiyon.
- Los Angeles, California – Nakakuha na ng lokasyon para sa unang U.S. property.
Noong Mayo 2025, nilagdaan ng Hotel101 ang kasunduan sa Horizon Group ng Saudi Arabia para sa joint venture na magtatayo ng hanggang 10 hotel sa nasabing bansa, alinsunod sa Vision 2030 ng Kingdom.
Dagdag pa rito, pumirma rin ng 10-taong kontrata ang Hotel101 bilang opisyal na hotel partner ng F1 Spanish Grand Prix mula 2026 hanggang 2035, katuwang ang MATCH Hospitality AG.
Ang tagumpay ng Hotel101 ay nakasalig sa tinatawag nilang “one room” concept—isang standardized room format na parehong hitsura at serbisyo saan mang panig ng mundo. Sa pamamagitan ng pre-selling model, nakakalikom ng kapital ang kumpanya habang ginagarantiyahan ang long-term revenue sa bawat unit sa pamamagitan ng hotel operations.
Ayon kay Hotel101 CEO Hannah Yulo-Luccini, “Layunin naming maging kauna-unahang truly global ‘one-room’ hotel chain. Sa tulong ng teknolohiya at ng asset-light model namin, mabilis naming mapapalawak ang aming presensya sa buong mundo.”
Ang tagumpay ng Hotel101 ay hindi lamang tagumpay ng isang kumpanya, kundi tagumpay rin ng Pilipinas sa pandaigdigang entablado ng negosyo at inobasyon.
