
ANTIPOLO CITY – Arestado ang isang 31-anyos na construction worker matapos umanong gahasain at pagnakawan ang isang 48-anyos na babae sa mismong tahanan nito sa Barangay Sta. Cruz, Antipolo City, madaling-araw ng Hunyo 27, 2025.
Kinilala ng mga awtoridad ang suspek na si Joffrey Libre y Vicente, residente rin ng nasabing barangay at stay-in construction worker.
Batay sa ulat ng Antipolo Component City Police Station (CCPS), dakong 12:20 ng madaling-araw, tulog ang biktimang si alyas “Armi” nang biglang pasukin ng suspek ang kanyang bahay sa Lt12 Blk9 2nd St., Cavaliers Village.
Agad umanong tinutukan ng suspek ng patalim ang leeg ng biktima at sapilitang ginahasa ito kahit pa nagmamakaawa at nanlaban.
Matapos ang karumal-dumal na krimen, tinangay ng suspek ang isang Redmi cellphone na nagkakahalaga ng ₱6,000 at ₱1,100 na cash, saka mabilis na tumakas.
Bagama’t lubhang traumatized, naglakas-loob ang biktima na magsumbong sa Annex 2 Antipolo Police Station.
Sa agarang imbestigasyon at follow-up operation ng mga pulis, natukoy at naaresto si Libre bandang 3:55 ng hapon ng parehong araw. Positibong kinilala ng biktima ang suspek, ngunit hindi na narekober ang mga ninakaw na gamit.
Sa ngayon, patuloy ang masusing imbestigasyon ng Antipolo CCPS habang inihahanda na ang mga kaukulang kaso laban sa suspek.
