
ANTIPOLO CITY — Arestado ang isang lalaki sa kasong Theft (Basag-Kotse) matapos maaktuhang binasag ang bintana ng isang sasakyan at tinangay ang bag ng isang arkitekta sa tapat ng Lumang Bayan Executive Village, Barangay Mambugan, Antipolo City, gabi ng Hunyo 27, 2025.
Kinilala ng Antipolo Component City Police Station (CCPS) ang suspek sa alyas na “Mark”, na nasakote matapos ang mabilis na pagtugon ng mga nagpapatrolyang pulis dakong 10:10 ng gabi. Siya ay isinailalim sa kustodiya at pormal na itinurn-over sa imbestigador ng kaso bandang 12:40 AM ng Hunyo 28.
Batay sa imbestigasyon, habang naghihintay ang biktimang si Jaziz, 26-anyos, isang arkitekta mula Camarin, Caloocan, kasama ang kanyang nobyo at mga kaibigan sa labas ng Lumang Bayan Executive Village, biglang nakita nila ang suspek na nakasuot ng orange jersey na binasag ang left passenger window ng isang Honda Civic (plate no. NAW3189) na pagmamay-ari ng ama ng nobyo ng biktima.
Tinangay ng suspek ang bag na nasa loob ng kotse saka sumakay sa isang motorsiklong minamaneho ng kanyang kasamahan. Tumakas sila patungong Masinag Intersection.
Agad na tinangkang habulin ng biktima at ng kanyang nobyo ang mga salarin gamit ang kanilang sasakyan, ngunit hindi nila ito naabutan. Sa kabutihang-palad, nasalubong nila ang dalawang nagpapatrolyang pulis na agad nilang nilapitan para humingi ng tulong.
Matagumpay na naaresto ng mga pulis ang isa sa mga suspek at nabawi ang mga ninakaw na gamit, kabilang ang laptop (Acer Nitro V15) na may kasamang charger at mouse, Cellphone (Galaxy S20 Ultra) at mga susi ng apartment
Samantala, patuloy ang manhunt operation laban sa isa pang suspek na nakatakas sakay ng motorsiklo na hindi pa matukoy ang modelo at plaka. Naghahanda na rin ang mga pulis ng mga dokumento para sa pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa naarestong suspek.
