June 20, 2025

Lasing na driver at may-ari ng van na sangkot sa Tagaytay tragedy, inisyuhan ng SCO ng LTO

TAGAYTAY CITY — Inisyuhan ng Land Transportation Office (LTO) ng show cause order ang may-ari at ang 18-anyos na lasing na driver ng isang van na sangkot sa isang trahedyang aksidente sa Tagaytay City na ikinasawi ng tatlong katao, kabilang ang isang buntis, at ikinasugat ng lima pa.

Batay sa ulat mula kay LTO Calabarzon Regional Director Elmer J. Decena na ipinadala kay LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, kailangan magpaliwanag ang rehistradong may-ari ng Nissan Grand Livina van kung bakit hindi siya dapat managot sa nasabing insidente na naganap noong Martes ng gabi, Hunyo 17, 2025, sa bypass road ng Brgy. Zambal, Tagaytay City, Cavite.

Sa ulat, nabangga ng nasabing van ang isang kulay pink na Toyota Corolla, na ikinamatay ng tatlong sakay nito—ang driver, isang buntis, at isa pang pasahero. Lima naman sa sakay ng van, kabilang ang lasing na driver, ang nagtamo ng sugat.

“Kailangang ipaliwanag ng may-ari ng sasakyan kung bakit niya pinayagan ang isang reckless at lasing na driver na magmaneho ng kanyang sasakyan,” pahayag ni Asec. Mendoza.

Ayon sa LTO, may limang araw ang may-ari mula sa pagtanggap ng show cause order upang magsumite ng sinumpaang salaysay kung bakit hindi siya dapat patawan ng kasong administratibo, kabilang ang posibleng suspensyon o pagkansela ng rehistro ng sasakyan.

Bukod dito, pagpapaliwanagin din ang driver ng van kung bakit hindi dapat kumpiskahin o kanselahin ang kanyang lisensya sa kabila ng pagkakasangkot niya sa isang malagim na aksidente habang nasa ilalim ng impluwensya ng alak.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang mapanagot ang mga responsable sa insidente na muling nagpaalala sa panganib ng lasing na pagmamaneho. (KOI HIPOLITO)