June 7, 2025

MATAPOS ANG NETFLIX, IBA PANG APP TATAAS NA RIN ANG PRESYO DAHIL SA VAT

Matapos ang balitang tinaasan ng Netflix ang kanilang monthly subscription fee, asahan na raw na susunod na rin ang ibang digital services sa pagtataas ng presyo — dahil sa ipinatupad na 12% value-added tax (VAT) sa mga foreign digital platforms simula ngayong Hunyo.

Ang dating ₱149 na basic plan ng Netflix, naging ₱169 na. Ang premium plan? Mula ₱549, naging ₱619. At ayon sa mga eksperto, hindi lang ‘yan ang magtataas!

Kasama sa bagong saklaw ng digital VAT ang streaming apps, online gaming, cloud services, ride-hailing apps, ad platforms, social media influencer services, online courses, at marami pang iba.

“Mas malala pa ito kaysa sa breakup!” biro ng isang netizen sa X (dating Twitter), habang binabanatan ang dagdag-gastos na epekto ng digital VAT.

Ayon kay Mon Abrea, isang batikang tax expert, ang VAT ay “indirect tax na ipinapasa lang sa consumers.” Kaya’t kung tumaas ang presyo, hindi dahil kumita ang gobyerno mula sa tech giants gaya ng Netflix o Google— kundi dahil tayo mismong mga gumagamit ang pinagbabayad.

Ngunit may mga kumpanya rin tulad ng Steam na piniling hindi magtaas ng presyo at sinalo ang VAT para sa kanilang mga users. Kaya tanong ng marami: Bakit si Steam kaya, pero si Netflix hindi?”

Samantala, nababahala rin ang mga freelancer, online workers at small businesses na heavily dependent sa mga digital tools gaya ng Canva, Google Workspace, Dropbox, at iba pa. Maging mga advertiser, sinabing posible itong makaapekto sa kanilang budget.

Ipinagtanggol naman ni Finance Secretary Ralph Recto ang bagong VAT rule:
“Hindi ito bagong buwis, kinokolekta lang natin ang nararapat.”

Pero para sa ordinaryong Pinoy, dagdag gastos pa rin ito sa panahon ng taas-presyo ng bilihin.

“Baka bumalik na lang ako sa digital piracy!” biro ng isang estudyante sa isang comment section.