March 11, 2025

Lalaki, arestado sa baril sa Caloocan

SHOOT sa selda ang 39-anyos na mister nang makuhanan ng hindi lisensyadong baril sa ipinatupad na search warrant ng pulisya sa Caloocan City.


Nakatanggap ang mga tauhan ni Caloocan police chief P/Col. Edcille Canals, na nag-iingat umano ng hindi lisensyadong baril ang suspek kaya nag-aplay sila ng search warrant sa korte.


Nang makakuha sila ng kopya ng search warrant na inisyu ni Executive Judge Glenda K. Cabello-Marin, ng National Capital Region, Regional Trial Court, Branch 124, Caloocan City para sa paglabag sa RA 10591, agad sinalakay ng mga tauhan ni Col. Canals ang bahay ng suspek.


Dakong alas-12:00 ng tanghali nang halughugin ng mga tauhan ng Bagong Barrio Sub-Station 5 sa bisa ng naturang search warrant ang bahay ng suspek sa Brgy. 149, Bagong Barrio at nasamsam ng mga ito ang isang Ingram Uzi 9mm kargado ng isang magazine na may siyam na bala.


Nang wala siyang maipakitang mga dokumento na nagpapahintulot sa kanya na mag may-ari siya ng baril ay pinosasan ng mga pulis ang suspek saka binitbit.


Kasong paglabag sa Section 28 ng R.A 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang isinampa ng pulisya laban sa suspek sa Caloocan City Prosecutor’s Office.

Pinuri ni Col. Josefino Ligan, Acting District Director ng NPD ang Caloocan police para sa kanilang mabilis na aksyon at pagsunod sa legal procedures.


“This operation reflects our continuous commitment to enforcing the law and ensuring public safety in our communities,” pahayag niya.