
ISINELDA ang dalawang maton nang damputin ng pulisya makaraang sapakin at tutukan ng baril ang 66-anyos na lolo na nakiusap lang na ibalik ang inalis nilang takip ng kanal sa dinadaanang eskinita ng biktima sa Malabon City.
Sa kanyang report kay P/Col. Josefino Ligan, Acting District Director ng NPD, kinilala ni Malabon Police Chief P/Col. Jay Baybayan ang mga suspek na sina alyas “Kym” 26, ng F. Nicolas St. Bry. Niugan at alyas “Erron”, 33, ng Hernandez St. Brgy. Catmon.
Sa imbestigasyon nina P/MSg. Ernie Baroy at P/MSg Diego Ngippol, pauwi na ang biktimang si “Lolo Lauro” sakay ng motorsiklo, nang makita niyang tinanggal ng dalawa ang takip ng kanal sa Dulong Hernandez St. dakong alas-10:00 ng umaga kaya nakiusap siyang ibalik upang makadaan ang kanyang motorsiklo.
Sa halip na tumalima, sinapak ng mga suspek ang matanda at tinutukan pa ng baril kaya sa takot nito ay nagtatakbong palayo patungo sa punong-himpilan ng pulisya na malapit lang sa naturang lugar.
Nang respondehan ng mga tauhan ng Special Weapon and Tactics (SWAT) team, nawala ang tapang ng mga suspek at nakumpiska sa kanila ang dalawang hindi lisensiyadong kalibre .45 pistola na may tig-apat na bala sa magazine na ginamit nila sa pananakot sa biktima.
Nang suriin ang rekord ng dalawa, natuklasan na hindi alyas “Jhon” kundi alyas “Erron” ang tunay na pangalan ng isa sa suspek na wanted sa mga kasong murder at PD 1602, batay sa warrant of arrest na inilabas ng hukuman laban sa kanya.
Mahaharap ang dalawa sa mga kasong physical injury, grave threat, concealing true name, at paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act in relation to Omnibus Election Code sa Malabon City Prosecutor’s Office.
More Stories
HONASAN, BINAY AT DEL ROSARIO NAGSAGAWA NG MOTORCADE SA MAKATI (Muling pinagtibay ang pagkakaisa at suporta)
DOST REGION 1 HANDA NA PARA SA 2025 NSTW
TANIM-BALA BALIK SA NAIA? (Imbestigasyon sinimulan na – NNIC)