HINIMOK ni Senador Win Gatchalian ang Department of Labor and Employment (DOLE) na magpatupad ng proactive approach na hahantong sa pagkansela ng alien employment permits o AEP na ibinibigay sa mga dayuhang manggagawa ng Philippine Offshore Gaming Operators o POGO dahil sa nalalapit na pagpapatupad ng ban.
“Iniiba-iba lang ng mga POGO ang kanilang anyo upang manatili sila sa bansa at ipagpatuloy ang kanilang mga aktibidad sa pang-i-scam,” sabi ni Gatchalian sa kanyang interpellation sa panukalang pondo ng DOLE para sa 2025.
“Kailangan natin ng napaka-proactive na diskarte para kanselahin ang kanilang mga work permit at sa huli ay ipadala ang mga manggagawang ito sa kanilang bansang pinanggalingan at kailangan natin ang buong makinarya ng gobyerno na magtulungan upang putulin ang legal na batayan para sa mga indibidwal na ito na manatili sa Pilipinas,” diin niya.
Ang legal na batayan para sa operasyon ng POGO sa bansa ay nakatakdang magwakas sa katapusan ng taon. Dito magkakabisa ang pagbabawal sa mga POGO.
Ayon sa DOLE, nasa 15,819 na AEP ang na-isyu ngayong taon. Humigit-kumulang 36,000 AEP naman ang nakansela mula nang magdeklara ang Pangulo ng POGO ban. Sinabi ng kagawaran na ito ay mahigpit na nakikipag-ugnayan sa Bureau of Immigration (BI) upang matiyak na ang mga working visa ng mga dayuhan na may POGO-related AEPs ay kanselado at sila ay mapipigilan na manatili nang ilegal sa bansa.
Kasabay nito, hinimok ni Gatchalian ang labor department na palakasin ang kanilang employment facilitation programs para sa mga Pilipino na nagtatrabaho sa mga POGO upang matiyak na ang mga mawawalan ng trabaho sa industriya ay makakakuha agad ng trabaho.
“Ito ang isa sa mga bagay na inaalala natin — ang mawalan ng trabaho ang mga Pilipinong nasa POGO. Kaya, hinimok ko ang departamento na ipagpatuloy ang mga job fair at iba pang programa para sa mga lokal na manggagawa ng POGO upang ang mga maaalis sa trabaho ay mabibigyan ng makabuluhang trabaho,” sabi ni Gatchalian. Sinabi ng DOLE na humigit-kumulang 27,590 Pilipino ang nagtatrabaho sa mga POGO.
Sa loob ng mahigit dalawang taon, isinusulong ni Gatchalian ang pagpapatalsik sa mga POGO sa bansa. Siya ang chair ng Senate Committee on Ways and Means, agresibong isinusulong.
More Stories
177 SENATORIAL ASPIRANTS ‘NUISANCE’ CANDIDATES – COMELEC
Misis na nasa likod ng pagpatay sa mister, arestado sa Valenzuela
Sen. JVE panauhin sa AFAD Arms Show ngayon sa SMX