Inihayag ng Department of Budget and Management (DBM) ngayon Biyernes, Agosto 21, 2026, ang paglalabas ng P27.410 bilyong pondo para sa Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) Program ng Department of Health (DOH).
Layunin nitong sagutin ang gastusin sa gamot, operasyon, bill sa ospital, at professional fees ng mga mahihirap na pamilyang Pilipino.
Ayon kay Budget Secretary Kim Robert de Leon, napupunta ang pinakamalaking bahagi na P19.145 bilyon sa Centers for Health Development (CHDs) upang maipahatid ang tulong sa mga pampubliko at pribadong ospital sa mga rehiyon. Nakalaan naman ang natitirang pondo sa mga ospital ng DOH, GOCC Specialty Hospitals (tulad ng NKTI, Heart Center, at PCMC), UP-PGH, at mga drug rehabilitation centers.
Binigyang-diin din ng DBM na gagamitin ang bahagi ng pondo para sa eMAIFIP integration sa eGovPH superapp.
Sa pamamagitan ng digital platform na ito, maiiwasan na ng mga pamilya at pasyente ang mahabang proseso at pila sa paghingi ng tulong pampamahalaan.
Makikita ang karagdagang impormasyon sa panayam ukol sa DOH MAIFIP sa eGovPH App upang maunawaan kung paano ginagawang mas mabilis ang pag-apply ng tulong medikal.
