October 18, 2024

SEKYU ITINUMBA SA CALOOCAN

TODAS ang isang security guard matapos pagbabarilin ng dalawang hindi kilalang mga suspek na sakay ng isang motorsiklo sa Caloocan City, Hewebes ng madaling araw.

Agad nalagutan ng hininga sanhi ng tinamong tama ng bala sa ulo at katawan ang biktimang si Rolan Lacson, 43, residente ng La Forteza Subdivision, Camarin.

Base sa salaysay ng saksing kasamahan ng biktima na si alyas “Michael”, 47, kay P/Cpl. Bayani Auditor, Jr., may hawak ng kaso, nagsasagawa siya ng pagroronda sa paligid ng Prime Hotel sa Camarin Road, Brgy. 178 nang makarinig siya ng dalawang putok ng baril dakong alas-2:35 ng madaling araw mula sa basement parking ng naturang hotel.

Nang puntahan ng saksi ang lugar, nakita niya ang mga suspek na patakas na at kapwa nakasuot ng long sleeve shirt at helmet habang sakay ng isang Yamaha Mio motorcycle patungong Tala, ng lungsod.

Naiwan naman ang nakahandusay sa sahig at duguang katawan ng biktima habang narekober ng mga tauhan ng NPD FU sa crime scene ang dalawang fired bullet at dalawang basyo ng kalibre .9mm na baril.

Patuloy ang follow-up imbestigasyon ng pulisya para sa posibleng pagkakilanlan at pagkakaaresto sa mga suspek habang inaalam pa ang motibo sa pagpatay sa biktima.