September 28, 2024

4 PULIS-QUEZON GUILTY SA TANGKANG SALVAGE SA PEDICAB DRIVER

GUILTY ang hatol laban sa apat na pulis-Quezon na dumukot l at nagtangkang pumatay sa isang pedicab driver.

Base sa desisyon ni Judge Michael Vito ng Gumaca Regional Trial Court Branch 172, ang mga akusadong sina  sina PO2 Jhaymar Espedido, SPO4 Wilson Villegas, SPO3 Noel Malabayabas at SPO2 Bryan Nobo ay napatunayang nagkasala sa kasong attempted murder.

Batay sa desisyon ni Judge Vito, ang mga akusado ay hinatulan ng pagkabilanggo ng mula lima hanggang 10 taon.

Sa record ng pulisya, ang biktimang pedicab driver na si Roger Herrero ay dinukot ng apat na kalalakihan noong Nobyembre 1, 2018 ng gabi sa isang barangay sa bayan ng Agdangan, Quezon.

Dinala ito sa bayan ng Atimonan at doon at pilit itong pinaaamin na sangkot umano ito  sa mga kaso ng nakawan. Hanggang sa binaril ito ng isa sa mga pulis sa mukha at iniwan sa damuhan sa gilid ng daan.

Subalit mapalad na natagpuan itong buhay pa ng mga bystander at nadala sa ospital. (KOI HIPOLITO)