PITAK FILIPINO
Ni Socrates L. Pimentel
HINDI larawan sa pader, hindi monumento, at hindi aklat.
Noong 05 Setyembre 2026 Sabado ang mga tauhan ng Historic Sites and Education Division ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP, itinatag 1933) ay hindi lang naglibot – nakinig, naluha, at nabuhay sa alaala.
Inorganisa ng Human Rights Violations Victims’ Memorial Commission (HRVVMC) bilang bahagi ng paggunita sa ika-54 na Anibersaryo ng Deklarasyon ng Batas Militar (Martial Law), isang kakaibang tour ang isinagawa sa Freedom Memorial Museum Gallery.
At ang kakaiba? Buhay na biktima ang nagsilbing gabay. Pinangunahan ang paglilibot nina Bb. Minerva “Niva” Gonzales at Bb. Maria Cristina “Tina” Bawagan – dalawa sa mga nakaligtas sa madilim na yugto ng Batas Militar. Hindi nila binasa ang kasaysayan. Ikinuwento nila ang sarili nilang kasaysayan.
Bawat sulok ng gallery ay may kasamang bulong ng katotohanan. Bawat larawan ay may mukha na pinagdaanan. Walang script na kayang tapatan ang bigat ng salitang: “Ako mismo ang nandoon.”
Pagkatapos ng tour ay hindi pa doon nagtapos.Nagkaroon ng sesyon ng diyalogo at pagninilay – isang bukas na pag-uusap kung saan ang mga tagapakinig ay hindi na lang mananalaysay ng kasaysayan, kundi mga tagapagmana ng responsibilidad na alalahanin ito.
Ang Freedom Memorial Museum Gallery ay nasa 150 Corporate Center, Panay Avenue, Lungsod Quezon. Bukas ito nang LIBRE – Martes hanggang Linggo, 09:00 Umaga hanggang 05:00 Hapon. Hindi kailangan ng ticket. Kailangan lang ang bukas na puso upang makinig. Para sa mga susunod na tour, exhibit, at program, i-follow ang official social media pages ng Human Rights Violations Victims’ Memorial Commission.
Dahil minsan upang maunawaan ang bayan ngayon – kailangang harapin ang ayaw balikan kahapon.
