Nakatakdang hilingin ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa Sandiganbayan na ilipat si dating House Speaker Martin Romualdez mula sa Cardinal Santos Medical Center patungo sa PNP General Hospital sa Camp Crame.
Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, ihahain ang nasabing petisyon upang tiyaking masusubaybayan ng pulisya ang kalagayan ng dating opisyal habang nasa ilalim ng arrest order. Dagdag pa ng kalihim, papayagan pa rin ang mga sariling doktor ni Romualdez na pumunta sa Camp Crame upang magbigay ng medikal na pangangalaga.
Inaresto si Romualdez nitong Lunes ng gabi kaugnay ng kasong plunder na walang inirerekomendang piyansa. Kasama niyang kinasuhan sina dating Ako Bicol Rep. Elizaldy Co, Jocelyn Sereño, at Felicito Guevarra ukol sa diumano’y pagtanggap ng P7.44 bilyong kickback mula sa mga proyekto ng gobyerno mula 2022 hanggang 2025.
Inabutan ng arrest warrant si Romualdez habang nakatira sa nasabing pribadong ospital sa San Juan City dahil sa nararanasang anxiety attacks at usaping pangkardiBOBaskular.
Giit ni Remulla, itinuturing nilang flight risk si Romualdez dahil sa mayaman nitong ari-arian tulad ng mga private jet at yacht, kaya pinalibutan na ng 24/7 armed guards ang kanyang silid at paligid ng ospital.
Paliwanag naman ng legal counsel at tagapagsalita ni Romualdez na si Atty. Ade Fajardo, iginagalang ng kanyang kliyente ang proseso ng hustisya at nakahandang harapin ang mga paratang, kasabay ng pakiusap na mapanatili ang patas na paglilitis nang walang hinihinging special treatment. (ART TORRES)
