November 3, 2024

2 ILLEGAL WILDLIFE TRADER NAIPAKULONG NG BOC-NAIA, DENR

SINUGURO ng Bureau of Customs-Port of NAIA (BOC-NAIA) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) na makukulong ang mga illegal wildlife trader.

Ito’y makaraang hatulang mabilanggo ng Metropolitan Trial Court sa Pasay City ang dalawang claimants ng smuggled na wildlife species noong Setyembre 22 at Oktubre 4.

Nabatid na ang dalawang akusado ay lumabag sa Republic Act No. 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act) at Section 1401 ng Republic Act No. 10863 o Customs Modernization and Tariff Act).

Hinatulan ang unang akusado ng 10 araw na pagkakakulong at pinagmulta ng 26,000 dahil sa pagpuslit ng 10 tarantula na may halagang P75,000 kung saan idineklarang “origami”.

Samantala, ang ikalawang akusado na nasakote nitong Mayo 28 na tumanggap ng parcel na may 41 iba’t ibang uri ng wildlife species (sulcate, tortoise, black pond turtle, bearded dragon, corn snake at savannah lizards) na may value na P284,000 kung saan idineklarang “Lego Toys” ay hinatulang mabilanggo ng 7 buwan at multang P125,000.

Nadiskubre ng pinagsanib na puwersa ng BOC-NAIA, Enforcement and Security Service-NAIA, Customs Intelligence and Investigation Service-NAIA, X-ray Inspection Project-NAIA, DENR-National Capital Region at ang Wildlife Traffic Monitoring Unit-NAIA ang mga parcel na walang lisensiya at import permit mula sa DENR.

Ang hatol sa dalawang akusado ay magsilbing babala sa mga smuggler ng illegal goods at contraband partikular ang wildlife species.

Nangako si BOC-NAIA District Collector Carmelita Talusan, sa ilalim ng pamumuno ni Commissioner Yogi Filemon Ruiz, na ipatutupad nila ang mandato nito sa border protection, trade facilitation at revenue collection at tiniyak na patuloy ang kanilang pakikipagtulungan sa iba pang ahensiya alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.