November 24, 2024

LASING NA PULIS NA NAMARIL SA TONDO, SUMUKO

SUMUKO na sa mga awtoridad ang pulis na namaril sa Tondo, Maynila ngayong Biyernes.

Ayon kay Manila Police District Homicide Division chief Henry Navarro, dakong alas-1:30 nang sumuko sa kanyang opisina si Police Corporal Norman Alvin Santos.

“Right after po ng insidente, bumaba po kami sa lugar ng pinangyarihan, ganon na rin po sa address na nakasaad sa kaniyang file, pinuntahan namin ‘yung mga kamag-anak niya at pinaliwanagan namin na sabihan si Corporal Santos na ‘di makakabuti sa kaniya kung mananatili siyang at large,” saad ni Navarro.

“Kaya nakumbinsi naman po namin. Later on nagpahiwatig po siya ng intensyon na sumuko po,” dagdag niya.

Napatay sa nangyaring pamamaril sa Barangay 106 si Joseph Marga habang sugatan naman si Mark Lester Quiñones.

Una na ng napaulat na nakainom ang naturang pulis nang maganap ang insidente.

Ayon kay Navarro, nagkaroon ng mainit na pagtatalo sa pagitan ni Marga at ng pulis matapos paalisin ng una ang motorsiklo ni Santos na nakaparada sa tapat ng bahay ng biktima.

“According sa kaniyang salaysay, nagiinom po sila doon sa tapat ng bahay ng biktima hanggang dumating nga po ‘yung biktima, medyo nagkaroon sila ng palitan ng maanghang na salita dahil diumano pinapatanggal ng biktima ‘yung motor ng ating pulis na nakaparada sa tapat ng bahay ng biktima,” saad niya.

“Naawat naman sila pero umalis ‘yung biktima pero bumalik diumano may mga kasama ng kalalakihan na may dalang tubo, itak at doon na ho nagkagulo…” dagdag niya.

Kasalukuyang nagpapagaling na ngayon sa ospital si Quiñones, na kasama ni Santos.

Narekober ng pulisya ang 9MM berretta ng pulis, isang magazine na may 12 na bala at dalawang empty cartridges.