Sa layuning higit pang patatagin ang kampanya laban sa kriminalidad at palakasin ang kakayahan ng mga barangay sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, nagsagawa ang San Juan City Police Station ng isang sabayang crime prevention seminar para sa mga opisyal ng barangay noong Abril 14, 2026 sa Multipurpose Hall ng Pinaglabanan Elementary School sa Brgy. Corazon de Jesus.
Pinangunahan ang aktibidad ni Chief of Police PCOL Anthony C. Gantang, kasama si PLTCOL Joel J. Custodio, ACOPA. Isinagawa ito sa pamamagitan ng Station Administrative and Resource Management Section (SARMS) bilang Office of Primary Responsibility, katuwang ang Station Community Affairs and Development Section (SCADS).
Dumalo sa seminar ang 75 kalahok mula sa 21 barangay sa lungsod, kabilang ang mga barangay chairman, barangay executive officers (Ex-O), at barangay tanod.
Sa lecture proper, nagbigay si PCMS Adonis Borja ng talakayan tungkol sa Section 21 ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act, na inamyendahan ng RA 10640. Tinalakay rito ang tamang proseso sa paghawak ng mga kaso kaugnay ng ilegal na droga.
Sinundan ito ng pagsasanay sa tamang disarming, handcuffing, at arresting techniques na pinangunahan ng SRU personnel sa pamumuno ni PMSG Randy Rebeto.
Namahagi rin ang SCADS ng mga flyer na naglalaman ng mga paalala sa kaligtasan, mga paraan ng pag-iwas sa krimen, impormasyon sa mahigpit na pagpapatupad ng mga ordinansa ng lungsod, at tamang paggamit ng Emergency Hotline 911 bilang bahagi ng kampanyang Ligtas SUMVAC 2026.
Layunin ng seminar na palakasin ang kaalaman, kakayahan, at kahandaan ng mga opisyal ng barangay sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan. Nais din nitong mapabuti ang koordinasyon sa pagitan ng barangay at pulisya, at mahikayat ang mas aktibong pakikilahok sa crime prevention upang masiguro ang mas ligtas na komunidad sa San Juan City. (RAFFY RICO)
