May 17, 2024

4 natimbog sa Valenzuela buy-bust

Nasakote ang apat na hinihinalang drug personalities sa isinagawang magkahiwalay na buy-bust operation ng mga pulis sa Valenzuela City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ang naarestong mga suspek na si Daniel Yco Sr., 46, Juluis Taguines, 24, Ronel Galino, 31, pawang (watch listed) at mga residente ng Brgy. Ugong.

Ayon sa report, dakong alas-1:00 ng madaling araw nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng SDEU sa NPC Road, Brgy. Ugong.

Kaagad dinamba ng mga operatiba ang mga suspek matapos tanggapin ang ng P500 marked money mula sa isang undercover police na nagpanggap na buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu.

Narekober sa mga suspek ang aabot sa 3 gramo ng shabu na tinatayang nasa P20,400 ang halaga, buy-bust money, P400 bills at isang cellphone.

Nauna rito, bandang 6:30 ng gabi nang madamba din ng kabilang team ng SDEU sa buy-bust operation sa Manotoc St. Brgy. Marulas si Francis Fabian, 21 ng Constabulary St. Commonwealth, Quezon city.          

Nakumpiska sa suspek ang aabot sa 10 gramo ng shabu na tinatayang nasa P68,000 ang halaga, P500 buy-bust money, P200 bill, dalawang cellphones at digital weighing scale.