Magkakasunod na holdap ang naganap sa apat na sangay ng Alfamart sa lalawigan ng Rizal simula gabi ng Marso 1 hanggang madaling araw ng Marso 2, 2026, kung saan tinatayang aabot sa mahigit P230,000 ang kabuuang natangay ng mga suspek.
Sa Lungsod ng Antipolo, unang napaulat ang holdap sa sangay sa NHA Avenue, Barangay Dela Paz dakong 10:58 ng gabi noong Linggo.
Dalawang armadong lalaki na lulan ng Honda Click na motorsiklo ang pumasok sa tindahan at tinakot ang mga empleyadong sina John, Lailanie, at Milky.
Sapilitang pinabuksan ng mga suspek ang vault habang nakatutok ang baril sa noo ng isa sa mga biktima at mabilis na tumakas bitbit ang P105,851.
Makalipas lamang ang mahigit tatlumpung minuto, isa pang sangay ng Alfamart sa C. Lawis Extension, Barangay San Isidro ang biktima rin ng holdap dakong 11:30 ng gabi.
Hindi rin nakaligtas ang bayan ng Teresa matapos pasukin ang Alfamart sa kahabaan ng Corazon C. Aquino Avenue sa Barangay Poblacion dakong 11:47 ng gabi.
Ayon sa imbestigasyon ng Teresa Municipal Police Station (MPS), dalawang lalaki na kapwa naka-jacket at helmet ang tumangay ng tinatayang P86,287 mula sa vault at kaha.
Napansin din ng mga awtoridad sa kanilang ocular inspection na kulang sa security protocols ang nasabing establisyimento na sana ay makakapigil sa krimen.
Pagsapit naman ng 12:30 ng madaling araw nitong Lunes, Marso 2, tinarget din ang Alfamart sa Manila East Road, Barangay Halayhayin sa Pililla.
Ayon sa biktimang si Jinky, pumasok ang mga suspek at nang pagsabihan silang magtanggal ng helmet bago pumasok ay naglabas ng baril ang isa sa mga ito.
Sa takot ng biktima ay naibigay niya ang P42,000 mula sa vault, bagaman may naiwan pang P64,505 sa isang naka-lock na drawer na hindi na nakuha ng mga magnanakaw bago sila tumakas patungong direksyon ng Tanay.
Sa kasalukuyan, nagsasagawa na ng malalimang imbestigasyon ang mga lokal na himpilan ng pulisya sa Antipolo, Teresa, at Pililla. Naglunsad na rin ng dragnet operations, Oplan Sita, at backtracking sa mga CCTV footage para matukoy ang pagkakakilanlan at madakip ang mga suspek na pinaniniwalaang iisang grupo lamang ang nasa likod ng mga serye ng nakawan.
