April 29, 2024

300K NA SHABU NASABAT SA ISANG BUY-BUST OPERATION SA PASIG

Nasakote ng (DDEU) o District Drug Enforcement Unit sa Pasig City ang dalawang  pinaniniwalaang tulak ng iligal na droga. 



Ayon kay Eastern Police District  Director PBGen. Mathew Baccay, bandang alas-6:30 kagabi sa Brgy. Bambang, Pasig City nang malambat ng mga tauhan ng EPD-DDEU sa pangunguna ng hepe nito na si Police Major Darwin Guerrero ang dalawang suspek matapos bentahan ang mga pulis na nagpanggap na poseur buyer. 

Agad inaresto ang mga suspek na kinilalang sina Mark Edison Gutierrez Suelo, alyas Alondra, 28 taong gulang, at Christopher Sevilla Galvan,  22 taong gulang. 

Nakumpiska mula kina Suelo at Sevilla  ang isang blue pouch na  naglalaman ng 6 na sachet na pinaghihinalaang shabu  na may timbang na 45 gramo at nagkakahalaga ng P306.000 kabilang ang buy-bust money na P500. 

Nadetine sa Pasig City PNP ang dalawa at  nahaharap sa paglabag sa  Sec 5 at Sec 11 ng R.A. 9165. (Ulat ni JOJIT ALCANTARA)