May 18, 2024

2 tambay huli sa aktong sumisinghot ng shabu

Walang kawala sa mga tauhan ng Maritime Police ang dalawang tambay matapos mahuli sa aktong sumisinghot ng shabu sa loob ng isang kubo sa Navotas Fish Port Complex, Navotas City.

Kinilala ni Maritime Police Station (MARPSTA) head Major Rommel Sobrido ang mga naarestong suspek na si Ronald Viliganio, 32, at Alex Sapo, 49, kapwa ng Market 3, Squaters Area, NFPC, NBBN.

Sa repot ni Maj. Sobrido kay Northern NCR MARPSTA Chief P/Col. Ricardo Villanueva, alas-2:30 ng hapon, nagsasagawa ang mga operatiba ng Intelligence MARPSTA sa pangunguna ni PLT Erwin Garcia ng surveillance hinggil sa isang lalaki na armado umano ng baril habang paikot-ikot sa Bundok Area, Kadamay St., Market 3, NFPC, NBBN.

Dito, napansin ng mga pulis ang mga suspek na sumisinghot ng shabu sa loob ng isang nakabukas na kubo kaya’t kaagad nila sinunggaban ang dalawa.

Ayon kay PSMS Bong Garo II, nakumpiska sa mga suspek ang isang plastic sachet ng hinihinalang shabu na nasa P500 ang halaga at ilang drug paraphernalia.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.