July 19, 2024

2 holdaper na bumaril sa magdyowa sa Caloocan, timbog

ARESTADO ang dalawa sa pusakal na holdaper na bumaril sa 31-anyos na Australiano at sa kasintahan niyang Pinay na dalawang buwang buntis sa isinagawang follow-up operation ng pulisya sa Caloocan City.

Unang nadakip ang suspek na si alyas “John”, 23, na nakilala ng mga biktima sa rogues’ gallery ng pulisya at itinuro ang dalawa pa niyang kasabuwat na sina alyas “Romeo”, 22, na nadakip nina Pat. Dennis Glen Deleon, Jr at Pat. Charles Henry Son Ferro sa harap ng kanyang bahay sa Julian Felipe St. Brgy. 8 habang nakatakas ang ikatlong suspek na si alyas “Richard”, 19, na residente rin sa naturang lugar.

Lumabas sa imbestigasyon ni PCpl Randolfh Oliva ng Caloocan Police Sub-Station-4 na pauwi na ang mga biktimang sina Edjelyn Samson, 29, online casino agent, at kasintahang Australiano na si Nathan Brito, 31, nang harangin sila ng mga suspek na armado ng sumpak dakong alas-3:30, Lunes ng madaling araw sa Libis Talisay St., Brgy 12, ilang metro na lamang ang layo sa kanilang tirahan.

Nagdeklara ng holdap ang mga suspek at pilit na inagaw ang mamahaling bag ng babae na naglalaman ng personal na gamit, salapi, at mobile phone, subalit pinigilan at nakipambuno si Brito hanggang paputukan sila ng isa sa mga suspek na dahilan upang tamaan ang mga biktima sa kaliwang paa.

Dahil sa nilikhang komosyon, naglabasan ang mga tao sa lugar na dahilan upang tumakas ang mga suspek na nabigong makuha ang bag ng babae habang dinala naman sa hindi na tinukoy na pagamutan ang magkasintahan.

Ayon kay Cpl. Oliva, nakalabas na ng pagamutan si Samson habang nakatakda pang operahan sa paa ang dayuhang kasintahan matapos tamaan ng bala ng shotgun ang buto nito sa paa.

Sinabi ni Cpl. Oliva na nakatakda ng ikasal sa buwan ng Setyembre ang magkasintahan.