May 3, 2024

2 ARESTADO SA DRUG BUY-BUST SA VALENZUELA

Sinalakay ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Valenzuela Police ang isang drug den sa Sta. Fe St., Barangay Marulas, Valenzuela City. Naaresto ang mga suspek na sina Rene Ibañez at Cindy Firu na nakuhanan ng walong piraso ng plastic sachet ng hinihinalang shabu, timbangan ng droga at cellphone. RIC ROLDAN

NATIMBOG ng pulisya ang dalawang hinihinalang drug personalities habang nakatakas naman ang isang kasama nila sa isinagawang buy-bust operation sa Valenzuela City, Biyernes ng gabi.

Kinilala ni Valenzuela Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) chief Capt. Segundino Bulan Jr. ang naarestong mga suspek na si Rene Ibanez, 23, ng 6111 B Lower Tibagan, GTDL at Cindy Tiru, 55, habang nakatakas si Noel Tiru.

Sa imbestigasyon ni PEMS Restie Mables, dakong alas-11:30 ng gabi nang isagawa ng mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni Capt. Bulan ang buy-bust operation kontra sa mga suspek sa no. 40 A Sta. Fe St., Marulas.

Nagawang makabili kay Ibanez at Noel ng isang sachet ng shabu na nagkakahalaga sa P500 ang isang pulis na nagpanggap na poseur-buyer.

Nang tanggapin ng mga suspek ang marked money mula sa poseur-buyer kapalit ng droga ay nakatunog si Noel na pulis ang kanilang katransaksyon kaya’t mabilis itong tumakas habang naaresto ng mga operatiba si Ibanez at Cindy.

Nakumpiska sa mga suspek ang aabot sa 5 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P34,000 ang halaga, buy-bust money at dgital weighing scale.