Pinarangalan ni Education Secretary Sonny Angara si Bryan Ezel Pamonag, 14-taong gulang na mag-aaral mula sa Banga National High School, ng DepEd Heroes Award dahil sa ipinakitang labis na katapangan sa gitna ng isang school shooting incident. Bukod dito, iginawad din ang bagong DepEd Achievers Award sa mga medalista ng international competition na sina Jamil Oumar Hataman, Mateo Antonio Sarandi, Prince Akram Qayum, at Mysha Mahreen Macabuat mula sa Fountain International School para sa kanilang natatanging tagumpay sa larangan ng akademya. (Photo: DepEd)
Upang palakasin ang ligtas at maayos na kapaligiran para sa mga mag-aaral sa buong bansa, pinangunahan ni Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara ang opisyal na pagbubukas ng National School Safety Week sa Cainta Elementary School.
Nagsama-sama sa naturang event ang mga national agency, opisyal ng lokal na pamahalaan, tagapamahala ng mga paaralan, at mga magulang upang pag-isahin ang mga hakbang laban sa karahasan, bullying, at online exploitation sa mga paaralan.
Binigyang-diin ni Angara na ang kaligtasan ng mga mag-aaral ang pangunahing pundasyon para sa de-kalidad na edukasyon.
Kabilang sa naging highlight ng ceremonial signing at recitation ng Panata ng Buong Komunidad para sa Mas Ligtas na Paaralan, na naglalayong tiyakin ang proteksyon at kapakanan ng bawat bata laban sa anumang uri ng pang-aabuso.
“We deal with it as a community. We are not powerless. Marami tayong magagawa… pero kailangan magsama-sama tayo bilang isang komunidad na nagmamahal sa ating mga anak at concerned sa kanilang future,” pahayag ni Angara.
Inihayag din ng kalihim ang kahalagahan ng pagbabantay sa mga kabataan pati sa digital space, dahil marami sa mga nasasangkot sa karahasan ay naimpluwensyahan o nare-recruit sa internet.
Kasabay ng paglulunsad, isinagawa rin sa Cainta Elementary School ang DepEd Kaagapay Program na dinaluhan ng 200 magulang.
Laman nito ang mga pagsasanay ukol sa positive discipline, paglaban sa bullying, at digital parenting upang gabayan ang mga magulang sa pagprotekta sa kanilang mga anak sa loob at labas ng paaralan.
